Calendar
Aquino naghain ng resolusyon para imbestigahan mataas na presyo ng kuryente
NAGHAIN si Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino IV ng resolusyon na humihiling ng imbestigasyon ng Senado sa mataas na presyo ng kuryente at pagrepaso sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) at iba pang kaugnay na polisiya.
Ang Senate Resolution No. 508 na inihain ng senador layong matukoy kung bakit nananatiling mahal ang kuryente at kung anong mga reporma ang kailangan upang maging mas abot-kaya, maaasahan at napapanatili ang suplay ng power.
“Bakit ang Pilipinas ang isa sa may pinakamahal na kuryente sa Southeast Asia? Kailangan nang malaman ang puno’t dulo ng isyung ito na nagbibigay ng mabigat na pasanin sa ating mga kababayan,” ani Aquino.
Binanggit din niya ang epekto ng mataas na singil sa micro, small and medium enterprises na nahihirapang kumita, lumago at lumikha ng dagdag na trabaho.
Layunin din ng resolusyon na suriin kung transparent, makatwiran, nakabatay sa aktuwal na gastos at naaayon sa wastong pamantayan ng industriya at mga regulator ang presyo ng kuryente.
Hinihingi rin ng senador ang pagrepaso sa EPIRA at iba pang batas at polisiya sa enerhiya upang matukoy kung kailangan ang mga pagbabago sa mga ito.
Nauna nang inihain ni Aquino ang Senate Bill No. 266, na naglalayong alisin ang value-added tax sa pagbebenta ng kuryente bilang hiwalay na hakbang upang mapababa ang singil sa mga pamilya at negosyo, lalo na sa MSMEs.
