Lacson nais nakaantabay sa Senado mga testigo sa buong linggo

21 Views

IMINUNGKAHI ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na manatili sa Senado ang lahat ng testigong haharap sa isang linggo dahil maaaring umabot hanggang Pasko o lampas pa ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Dapat nakahanda sa Senado ang mga testigo ng prosekusyon at depensa upang agad na matawag ang susunod kapag maagang natapos ang testimonya ng unang testigo.

“Isa nga sa sinuggest ko, i-line up ng defense o prosecution para sa isang linggo (na witnesses), dapat nandiyan sa holding room para kung matapos kami ng maaga sa isang testigo, hindi masayang ang araw,” ani Lacson.

Layunin ng mungkahi na maiwasang masayang ang oras ng pagdinig, hindi upang paikliin ang paghaharap ng ebidensya ng alinmang panig.

Binanggit ni Lacson ang pagdinig noong nakaraang Miyerkules na maagang natapos dahil wala pa sa Senado ang susunod na nakatakdang testigo.

Kung magpapatuloy ang takbo na halos isang testigo lamang bawat linggo, sinabi niyang maaaring lumampas sa Pasko ang paglilitis.

Ayon kay Lacson, bukas si impeachment court presiding officer Senador Francis “Chiz” Escudero sa mungkahi.

“VP Duterte is also entitled just like any respondent in an ordinary court hearing sa speedy trial. So dapat mag-devise din kami ng pamamaraan para mapabilis,” aniya.

Maaaring talakayin ng mga senator-judge sa caucus ang saklaw at haba ng kanilang pagtatanong matapos umabot nang hindi bababa sa isang oras ang isang palitan sa unang araw ng paglilitis.