Sara2 Vice President Sara Duterte

Asasinasyon kay VP Duterte kwentong barbero, imahinasyon — solon

47 Views
Dalipe
House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe

KWENTONG barbero at bunga lamang umano ng imahinasyon ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na nais umano siyang ipapatay ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ayon kay House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe.

“The Vice President’s claim is totally without basis. It’s just the product of her fertile imagination,” pahayag ni Dalipe, na kinatawan ng Zamboanga City.

“‘Yung drama-drama niya, budol-budol lang ‘yan, diversionary. Nililihis niya ang issue doon sa di tamang paggamit niya ng P612.5 million in confidential and intelligence funds na natanggap ng Office of the Vice President (P500 million) and Department of Education (P112.5 million) noong 2022 at 2023, noong siya ay education secretary pa,” dagdag pa ng mambabatas.

Ayon kay Dalipe, hanggang ngayon ay hindi pa rin naipapaliwanag ni VP Duterte at ng kanyang mga opisyal kung papaano ginastos ang pondo mula sa buwis ng taumbayan.

“Sabi ng mga kasama niya sa OVP, siya lang at ‘yung dalawang disbursing officer niya ang nakakaalam kung saan napunta ‘yung pera. Pero, ayaw niyang magpaliwanang, at ‘yung dalawang disbursing officer, nagtatago naman,” dagdag pa niya.

Banat pa ng lider ng Kamara, patuloy na nag-iimbento ang bise presidente ng mga kwento at gumawa ng mga eksena upang makaiwas sa pananagutan sa umano’y maling paggamit ng P612.5 milyon mula sa pondo ng bayan.

“We are appealing to our people not to fall for these unreasonable outbursts intended to distract them from the real issue,” saad pa nito.

Binanggit pa ng mambabatas na hindi mangyayari ang gulo noong Biyernes at Sabado sa Kamara kung tinanggap lamang niya ang imbitasyon ng House committee on good government and public accountability upang magpaliwanag hinggil sa paggamit ng kanyang confidential at intelligence funds.

“Pero, tingin namin planado ‘yung ginawa niya. Ilihis ang usapin sa hindi wastong paggastos ng pera ng taong-bayan. ‘Yun ang layunin niya,” saad pa ni Dalipe.