DFA

Assistance-To-Nationals ililipat ng DFA sa DMW simula Hulyo 1

151 Views

SIMULA sa Hulyo 1 ay Department of Migrant Workers (DMW) na ang bahala sa Assistance-To-Nationals na dating trabaho ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Ayon sa DFA, ang paglilipat ng trabahong nabanggit ay alinsunod sa Republic Act No. 11641, ang batas na lumikha ng DMW.

Saklaw ng Assistance-To-Nationals ang pagbibigay ng legal at medical assistance, repatriation, at pag-uwi sa bansa ng labi ng mga Pilipino na nasawi sa ibang bansa dokumentado man o hindi.

Ang DMW na umano ang mangangasiwa sa pagtulong sa mga bansa kung saan mayroong Migrant Workers Office (MWO) ang Pilipinas gaya ng Australia, Brunei Darussalam, China kasama ang Hong Kong at Macau, Japan, Korea, Malaysia, New Zealand, Singapore, Bahrain, Israel, Jordan, Kingdom of Saudi Arabia, Kuwait, Lebanon, Morocco, Oman, Qatar, United Arab Emirates, Czech Republic, Germany, Greece, Italy, Spain, Switzerland, United Kingdom, Canada, at Estados Unidos.

Maaari umanong makipag-ugnayan sa DMW sa pamamagitan ng numerong 87221144 o 87221155; email: [email protected]; [email protected] o [email protected].

Sa mga bansang walang MWO, ang DFA pa rin ang hihingan ng tulong ng mga overseas Filipino workers.