Ataska Ataska

Ataska no comment kay Sandro

Eugene Asis Sep 10, 2024
119 Views
Ataska1
Ataska at Direk Bobby Bonifacio, Jr.

SA mediacon ng latest Vivamax Original Movie na “Uhaw” kamakailan, hindi naligtas ang isa sa lead stars ng pelikulang ito na si Ataska sa tanong tungkol sa kanyang ex-boyfriend na si Sandro Muhlach na lumantad para isapubliko ang ginawa umanong panghahalay sa kanya ng dalawang writer at direktor na sina Jojo Nones at Richard Cruz.

Nagpaligoy-ligoy pa ang ilang miyembro ng media sa pagtatanong kay Ataska kung naranasan na niya ang sexual harassment o sexual abuse sa ilang taon na niyang pamamalagi sa showbiz.

Aniya, hanga siya sa tapang ng mga biktima ng sexual harassment na lumalabas para ilahad ang kanilang karanasan.

“I admire their valor, and I hope their speaking out will lead to more people being held accountable,” sabi ni Ataska.

Pero nang diretsahan na siyang tanungin o hingan ng pahayag tungkol sa ginawa ni Sandro, sinabi niyang “No comment po.”

Kahit na nang matapos ang mediacon, pinilit pa rin siya ng ilang media na magsalita, pero ngumiti lang siya at no comment pa rin.

Sa mga hindi pa nakaaalam, naging three-chair turner si Ataska noong sumali siya sa “The Voice Kids Season 2” noong 2015 kung saan naging bahagi siya ng Team Kawayan ni Bamboo. Naging child star din siya sa bakuran ng GMA7.

Samantala, excited si Ataska na mapanood ng mga Vivamax subscriber ang “Uhaw” dahil hindi lang siya umarte sa movie kundi nabigyan din siya ng chance na kumanta.

“In this movie, na-showcase ko ’yung acting ko as well as my singing and I did a lot of drama scenes as well and I’m happy because it’s something that I’ve always wanted to explore sa career ko,” sabi ng dalaga.

Sadyang pinili siya ng direktor na si Bobby Bonifacio Jr dahil naniniwala siya sa talent ni Ataska. Limang kanta ang ginawa ni Ataska para sa naturang pelikula.

Ang kwento ng “Uhaw” ay tungkol sa mag-asawang Rejoice (Ataska) at Marcus (Itan Rosales). Masusubok ang kanilang pagsasama nang biglang magkaroon ng aneurysm si Marcus, dahilan para siya ay ma-coma.

Dahil sa mabigat na dinadala at malaking gastos sa ospital, si Rejoice, na isang singer, ay kukuha ng maraming gigs at maiisip din na kumapit sa patalim para lang magkapera.

Tila walang katapusan ang kanyang problema dahil matutuklasan din niya ang pangangaliwa ni Marcus sa kanyang cellphone. Ito ang magtutulak sa kanya na harapin ang lover ng kanyang asawa na si Astrid (Angeli Khang).

Ngunit, ang pagkikita nina Rejoice at Astrid ay mauuwi sa isang affair.

Panoorin kung paano haharapin nina Rejoice, Astrid, at Marcus ang pag-ibig at pagtataksil sa “Uhaw,” available na sa streaming simula September 13.