Calendar
Atienza: Maynila kailangan ng tulong para mabilis makabangon
BUMISITA si Manila Vice Mayor Chi Atienza sa Senado upang humingi ng suporta para sa mabilisang pagbangon ng Lungsod ng Maynila.
Ginawa ng bise alkalde ang hakbang bunga ng natuklasan nila ni Mayor Isko Moreno na hindi nabayaran ng nakaraang administrasyon ang mga obligasyon na umaabot sa P10.2 bilyong piso.
Sa kanyang talumpating pambungad sa unang araw ng pag-upo bilang alkalde ng lungsod, sinabi ni Mayor Isko Moreno na nasa ICU (Intensive Care Unit) na ang kalagayang pananalapi ng Maynila dahil said na aniya ang pondo kaya malaking hamon sa kanila ang epekto nito sa pagkakaloob ng pangunaing serbisyo sa tao.
Bilang bise alkalde, sinabi ni VM Atienza na inubos niya ang isang araw sa pakikipagpulong sa ilang mga senador upang bigyang-diin ang agarang pangangailangan, partikular sa sektor ng kalusugan.
Kabilang sa mga nakausap ng bise alkalde sina Senators Win Gatchalian at Bong Go na kapuwa nangako ng suporta mga programang pang-edukasyon, kalusugan, at kabuhayan, habang natuon naman sa suporta sa kalusugan ng pag-iisip at programa sa mahiirap na pamilya ang tinalakay nila ni Senator Risa Hontiveros.
Nakipagpulong din si VM Atienza kina Senators Camille Villar, Mark Villar, at Imee Marcos na layong mabigyan ng trabaho ang mga Manilenyo at magkaroon muli sila ng pag-asang makabalik sa kanilang komunidad sa lungsod.
Nagpahayag ng labis na kasiyahan si VM Atienza dahil naging mabunga ang kanyang pagbisita sa Senado at maraming mga senador ang tutulong sa pagbangong muli ng Maynila.
Ayon sa kanya, nasa puso at isipan niya ang paniniwala ni Mayor Isko Moreno na walang hakbang na masyadong maliit kung ang pinakahuling layunin ay makapagbigay ng tunay na serbisyo sa mamamayan.
“As Mayor Isko Moreno would say, even if our capacity to help is limited, we will still find a way to collaborate so that the help will be continuous,” pahayag pa ni Atienza.

