Calendar

Atty. Bucoy sa Ombudsman: Dapat mauna imprach trial sa Senado
UMAPELA ang tagapagsalita ng House prosecution team sa Office of the Ombudsman na ipagpaliban ang anumang aksyon nito kaugnay ng mga alegasyon laban kay Vice President Sara Duterte, dahil ang dapat na mauna ay ang impeachment trial sa Senado.
Ayon kay Atty. Antonio Audie Bucoy magiging premature o wala sa tamang panahon kung kikilos na ang Ombudsman habang nagpapatuloy pa ang proseso ng impeachment.
“Ang impeachment proceedings po is of primordial consideration. Yan ho ang pinakamataas na antas tungo sa panagutin ang impeachable official,” pahayag ni Bucoy sa isang panayam noong Martes.
Tinukoy niya ang Republic Act 6770, o ang Ombudsman Act of 1989, na nagtatakda na hindi saklaw ng Ombudsman ang mga impeachable official.
Binigyang-diin ni Bucoy na ipinag-uutos ng Konstitusyon na ang impeachment ang pangunahing paraan upang panagutin ang mga matataas na opisyal ng gobyerno.
“Meron hong dalawang provisions doon na sinasabi na ang Ombudsman ay hindi pwedeng imbestigahan ang impeachable official because ang mekanismo ay nakasaad sa Saligang Batas. Impeachment — na ang may jurisdiction ay ang Senado, sitting as an impeachment court,” aniya.
Sinabi ni Bucoy na maaari lamang magsagawa ng imbestigasyon ang Ombudsman kung ang layunin ay maghain ng verified impeachment complaint, na hindi aniya naaangkop sa kaso ni VP Duterte.
“Meron din diyang provision na nagsasabi kung iimbestigahan, maaaring imbestigahan ng Ombudsman ang impeachable official kapag ang layunin nito ay mag-file ng verified impeachment complaint. Yun lang ho,” ani Bucoy.
Dahil opisyal nang nag-convene ang Senado bilang isang impeachment court, sinabi ni Bucoy na ito na lamang ang may kapangyarihang dinggin ang kaso.
“The Ombudsman should take a back seat and tignan niya yung ano yung ebidensyang ilalahad during the trial,” dagdag niya.
Binigyang-diin niya na ito ay mahalaga hindi lamang upang igalang ang proseso ng mga institusyon kundi upang matiyak na ang pananagutan ay makakamit sa pamamagitan ng mekanismong nakasaad sa Saligang Batas.
“Dapat po, bigyan ng pagkakataon ang impeachment court na nag-acquire na ng jurisdiction na isulong yung paglilitis hanggang ito ay matapos,” aniya.
Patuloy na naghahanda ang House prosecution panel para sa pre-trial at trial proceedings kaugnay ng impeachment case laban kay VP Duterte, kasunod ng paghahain niya ng ‘answer ad cautelam’ sa Senado na tumatayong impeachment court.
Bagamat hindi tumugon sa nilalaman ng mga alegasyon si Duterte, itinuturing ng prosekusyon na sapat na ito upang simulan ang susunod na yugto ng proseso.
Binabalewala rin ng mga tagausig ang mga procedural objections na inihain ng kampo ni VP Duterte, sa paniniwalang nananatiling balido ang Articles of Impeachment at naisaayos ang kaso alinsunod sa mga kinakailangang itinatadhana ng Konstitusyon.