Atty. Lopez

Atty. Lopez napakahalagang testigo– Barbers

Mar Rodriguez Jul 9, 2026
18 Views

ITINUTURING ng House prosecution team na ang Chief of Staff (COS) ni Vice President Sara Z. Duterte na si Atty. Zuleika Lopez ay isang napakahalagang testigo na dapat marinig ng Senate impeachment court sa susunod na paglilitis nito, ayon kay prosecution spokesperson Robert Ace S. Barbers.

Ipinaliwanag ni Barbers na ang mismong “cross-examination” ng depensa team ni Duterte ang hindi sinasadyang nagpatibay sa posisyon ng prosekusyon na si Atty. Lopez ay isang mahalagang testigo na nararapat marinig ng impeachment court.

Malaking bahagi ng pagtatanong ng depensa ay umikot sa mga pangyayaring may kaugnayan sa mga pampublikong pahayag ng Bise Presidente kabilang ang mga video clip na nagpapakita ng emosyonal na reaksyon ni Lopez, gayundin ang mga tanong tungkol sa kanyang relasyon at pakikisalamuha sa Bise Presidente.

Ayon kay Barbers, ang ganitong linya ng pagtatanong ay lalo lamang nagpatunay sa halip na nagpahina sa kahalagahan ng personal na kaalaman ni Lopez sa mga pangyayaring nakapalibot sa insidente.

“Napansin namin na malaking bahagi ng cross-examination ay umikot kay Atty. Zuleika Lopez sa kanyang reaksyon, sa kanyang ugnayan sa Vice President, at sa mga pangyayaring nakapaligid sa mga pahayag na naging sentro ng kasong ito,” ani Barbers.

Binanggit ni Barbers na hindi ang prosekusyon ang nagbigay-diin sa mga isyung ito sa paglilitis.

“Hindi kami ang naglagay sa mga isyung ito sa sentro ng paglilitis. Ang depensa mismo ang naglaan ng malaking oras sa pagtatanong tungkol sa kanya,” sabi ni Barbers

Ayon kay Barbers, naniniwala ang prosekusyon na ipinakita ng cross-examination na si Lopez ay may impormasyon na makatutulong sa Impeachment Court upang lubos na maunawaan ang mga pangyayaring nakapalibot sa mga pampublikong pahayag ng Bise Presidente.