Aquino

Kaligtasan sa paaralan whole-of-nation responsibility — Aquino

25 Views

ITINULAK ni Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino IV ang pagpasa ng School Safety Act matapos ang Tacloban City school shooting na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng mahigit 20 iba pa.

Si Aquino ay nanawagan sa public hearing noong Huwebes tungkol sa school safety measures na sumasaklaw sa bullying, campus security, mga panganib sa internet, mental-health support at student-athlete welfare.

Hindi maaaring ipaubaya lamang sa mga paaralan o sa Department of Education ang kaligtasan ng mga estudyante.

“School safety is not the responsibility of the Department of Education (DepEd) or the school alone. This is a whole-of-nation responsibility. When the safety of our children is at stake, we must have only one goal: To ensure that every school in our country is a place of learning, of dreams, and of safety,” dagdag niya.

Sinabi ni Aquino na ang Tacloban shooting ay dapat ituring na critical call to action, hindi isolated incident.

Itinulak niya ang mas malawak na legislative framework na lalampas sa anti-bullying, at sinabing kailangan ng mga paaralan ng mas matibay na security systems, mas malinaw na emergency protocols at dagdag na suporta para sa mga estudyante at guro.

Dapat ding mas mahigpit na mag-ugnayan ang mga lokal na pamahalaan at law enforcement agencies upang protektahan ang school premises at tumugon sa mga banta.

Isinagawa ang pagdinig sa Sen. Laurel Room kasama ang mga komite sa Higher, Technical and Vocational Education; Science and Technology; Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation; Justice and Human Rights; at Finance.

Tinalakay ng panel ang mga panukalang palawakin ang Republic Act No. 10627, o Anti-Bullying Act of 2013, kabilang ang Senate Bill No. 441 ni Senator Raffy Tulfo at Senate Bill No. 1582 ni Senadora Risa Hontiveros.

Kasama rin sa pagdinig ang privilege speech ni Senator Erwin Tulfo tungkol sa “School Bullying,” na inihatid noong March 10.

Tinalakay din ng komite ang mga panukala sa digital literacy, internet safety at responsible technology use.

Kabilang dito ang Senate Bill No. 627 ni Sen. Sherwin Gatchalian, na naglalayong ipagbawal ang paggamit ng mobile devices at iba pang electronic gadgets sa oras ng klase mula kindergarten hanggang senior high school sa pampubliko at pribadong paaralan.

Dininig din ng panel ang Senate Bill No. 1052 at Senate Bill No. 1077 ni Senator Jinggoy Ejercito Estrada tungkol sa responsableng paggamit ng social media at internet safety education, at Senate Bill No. 1376 ni Senator JV Ejercito na nag-aatas ng digital literacy sa grade schools at high schools.

Tinalakay din ang Senate Bill No. 2133 ni Senator Mark Villar, na naglalayong magkaroon ng recruitment, hiring at training ng school-based licensed guidance counselors, psychologists, school social workers at mental-health personnel.

Hinimok ni Senate President Sherwin Gatchalian ang DepEd na unahin ang deployment ng school counselor associates sa mga paaralang may mataas na insidente ng bullying at karahasan.

Sinabi ni Gatchalian na P2 bilyon ang inilaan ngayong taon upang kumuha ng 10,000 school counselor associates sa ilalim ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act.

Sinabi ni DepEd Undersecretary Wilfredo Cabral na inaprubahan na ng Civil Service Commission ang qualification standards at muling isinumite ng DepEd sa Department of Budget and Management ang request nito upang opisyal na malikha ang mga posisyon.

Ayon kay Cabral, target ng DepEd na ma-hire at ma-deploy ang school counselor associates pagsapit ng September kung mailalabas ang kinakailangang staffing papers sa katapusan ng August.

Tinalakay din ng komite ang Senate Bill No. 349 ni Sen. Pia Cayetano, o ang proposed Magna Carta of Student-Athletes.

Nakalista rin ang manifestations nina Aquino at Senator Christopher Lawrence “Bong” Go tungkol sa pagkamatay ng Ateneo de Manila University basketball players na sina Rene Baterbonia at Divine Adili, na inihatid noong June 17.

Inimbitahan sa pagdinig ang mga opisyal at kinatawan mula sa DepEd, EDCOM II, CHED, DSWD, DOH, DILG, PNP, DOJ, NBI, Philippine Sports Commission, National Youth Commission, UAAP, Ateneo, health groups, psychologists, guidance counselors at campus safety organizations.

Inaasahang susuriin ng komite kung sapat ang umiiral na school policies para protektahan ang mga mag-aaral at kung kailangan ng mas malawak na student-safety measures.