Apo Vangelis

Ayaw namin kay Lito Atienza

Apo Vangelis Mar 19, 2022
309 Views

ISA sa mga hindi dapat mahalal sa darating na halalan sa Mayo 2022 si Lito Atienza, dating punong lungsod o alkalde ng Maynila, at kasalukuyang “Buhay” Party-List Representative sa Kongreso. Siya ay hindi makabayan, walang alam sa kahalagaan ng kasaysayan at sining, palpak na alkalde, at balimbing na pulitiko. Wala ring delicadeza si Atienza.

Si Atienza ay kandidato sa pagka-pangalawang pangulo o bise presidente ng Pilipinas sa halalang Mayo 2022. Kasama niya sa pagtakbo si Senador Manny Pacquiao na siyang kumakandidato sa pagkapangulo sa darating na halalan.

Para sa amin, mga kabataang Pilipino, ayaw namin kay Atienza. Hindi siya dapat mahalal bilang bise-presidente. Karapat-dapat lang siyang matalo at pulutin sa kangkungan.

Bakit?

Una, hindi makabayan si Atienza.

Kung talagang makabayan si Atienza, hindi niya dapat tangkilikin ang kandidatura ni Pacquiao sa pagkapangulo ng Pilipinas. Bilang boksingero, at talunan pa, wala naman talagang kakayahan si Pacquiao na mamuno sa Pilipinas.

Sa loob ng anim na taong bilang kongresista, at anim na taong bilang senador, wala naitaguyod na kahit anong makabuluhang batas o panukala si Pacquiao.

Bakit?

Sa totoo lang, palaging wala o “absent” si Pacquiao sa Kongreso dahil madalas siya nasa ibayong dagat o ibang bansa upang maghanda para sa kanyang mga laban sa boxing ring. Paaano nga naman siya makakagawa ng batas kung palaging wala siya sa Kongreso at nasa “abroad” siya?

Yung mga gantimpalang daang-daang milyong piso sa kanyang pagiging boksingero ay pumupunta sa kanyang bulsa, at hindi sa kaban ng bayan (ang buwis nito ay binabayaran ng organizer ng boksing).

Oo, nagbibigay si Pacquiao ng pera sa mga ilang mga nangangailangan ngunit barya lang iyon. Karamihan ng kanyang perang gantimpala ay ginugugol ni Pacquiao sa mga mamahaling bahay at kotse. Mayron nga siyang malaking palasyo sa Forbes Park sa Makati, isang kilalang barangay ng mga mayamang mga tao sa buong bansa.

Matatandaan pa na mabongga at mayabang ang pamumuhay ng nanay ni Pacquiao, simula nuong naging “pambansang kamao” ang kanyang anak. Naging matapobre din daw ang ale, ayon sa mga ibang nakapansin.

Ang masakit pa para sa taong-bayan ay tumatanggap ng sahod si Pacquiao kahit siya ang kongresista at senador na pinakamaraming pag-“absent” sa Kongreso! Kawawang kaban ng bayan! Kawawang mga Pilipinong nagbabayad ng buwis!

Sabi ni Pacquiao, galit siya sa katiwalian o corruption. Kung ganon, dapat idemanda niya ang kanyang sarili dahil ang madalas niyang hindi-pagpasok sa Kongreso at pagtanggap niya ng kanyang sahod kahit palagi siyang “absent” ay isang uri ng katiwalian.

Tapos, eto si Pacquiao, nais maging pangulo? Por Diyos, por santo! Ang kapal naman niya!

Halata naman na tinatangkilik ni Atienza ang kandidatura ni Pacquiao dahil akala ni Atienza, ang tagumpay ni Pacquiao nuong halalan sa pagkakongresista at sa pagkasenador, ay maaring mangyari muli kapag tumakbo si Pacquiao sa pagkapangulo. Umaasa si Atienza na kahit matalo siya sa pagkabise-presidente, malakas siya kay Pacquiao kapag ang boksingerong talunan ay manalo bilang pangulo.

Wala rin pagpapahalaga si Atienza sa kahalagaan ng kasaysayan at sining ng Pilipinas.

Nuong alkakde ng Maynila pa si Atienza ng taong 2000, pinagiba niya yuong makasaysayang gusaling Jai-Alai (Jai-Alai building) sa Taft Avenue sa may Luneta, na itinatag nuong taong 1940. Ayon kay Atienza, tatayuan daw yung mababakanteng lote ng gusaling katarungan o Hall of Justice ng Maynila.

Walang kwenta kay Atienza na makasaysayan ang gusaling Jai-Alai. Bale-wala rin kay Atienza na ang nasabing gusali ay kilala sa buong daigdig na isa sa mga pinakamaganda at tanyag na halimbawa ng sining panggusali.

Kahit pinakiusapan na ni Pangulong Joseph Estrada si Atienza na huwag nang ipagiba ang gusaling Jai-Alai, pinagiba pa rin ni Atienza ang nasabing gusali. Dahil sa pagpapawalang-halaga ni Atienza sa kasaysayan at sa sining ng bayan, nawala ang gusaling Jai-Alai na hinahangaan ng buong daigdig. Sayang talaga!

Ang masakit sa lahat, hindi natuloy ang gusaling katarungan (Hall of Justice) na ipinangako ni Atienza. Ang dahilan — wala palang pera o “budget” ang pamahalaang panglungsod ng Maynila upang pondohan ni Atienza ang nasabing gusaling katarungan.

Tapos, eto si Atienza, tatakbo bilang bise-presidente? Ano siya? Nananaginip ng gising?

Bilang alkalde ng Maynila, palpak talaga si Atienza. Maraming mga pangkaraniwang Pilipino ang nawalan ng hanapbuhay matapos sarhan ni Atienza ang Avenida Rizal o Rizal Avenue sa Santa Cruz, Maynila nuong siya ay alkalde pa. Pati mga sinehan, kainan at department stores duon, nagsara.

Mabuti na lang at natalo si Atienza nuong mga sumunod na halalan. Pati ang anak niyang si Ali Atienza, bigo sa kanyang ambisyong maging alkalde ng Maynila.

Sapagkat hindi kaya ni Atienza mapatakbo ng wasto ang lungsod ng Maynila, tiyak na magiging palpak na bise-presidente si Atienza kung sakaling malasin ang Pilipinas at mahalal siya sa Mayo 2022.

Bilang pulitiko, balimbing si Atienza. Nuong 1971, kalaban niya ang lapian ni Pangulong Ferdinand Marcos. Matapos mag-martial law nuong taong 1972, sumapi naman si Atienza sa lapian ni Marcos, ang Kilusang Bagong Lipunan, bilang kawani sa tanggapan ni Manila Mayor Ramon Bagatsing, na nasa panig ni Marcos. Nuong 1984, lumipat si Atienza sa lapiang kalaban ni Marcos, o ang UNIDO.

Balimbing si Atienza, tapos sasabihin niya na matinding kalaban siya ni Pangulong Marcos? Sino ang linoloko ni Atienza?

Wala ring delicadeza si Atienza. Sa dahilan na ang anak niyang si Kim Atienza ay nagtatrabaho sa ABS-CBN, dapat iwasan ni Atienza ng gumawa na kahit anong hakbang sa Kongreso na panig sa ABS-CBN. Hindi kasi magandang tignan, at labag pa nga sa batas, kapag ang tatay ay gumagamit ng kanyang kapangyarihan bilang kongresista upang manatili sa trabaho ang kanyang anak sa ABS-CBN.

Ano ang nangyari? Nuong 2020, binale-wala ni Atienza ang kahihiyan at ang batas, at pilit niyang ginamit ang kanyang tinig at kapangyarihan bilang kongresista upang mabigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN! Grabe talaga! Mabuti naman at nabigo si Atienza!

Kung bilang kongresista ay abusado na sa kapangyarihan si Atienza, tiyak na magiging abusado rin siya kapag siya ay naging bise-presidente.

80 anyos na si Atienza. Dapat na talagang magpahinga na siya at umiwas na sa pulitika, alang-alang sa kanyang kalusugan, at alang-alang din sa kinabukasan at ikabubuti ng Pilipinas.

Kaya naman para sa amin, mga kabataang Pilipino, ayaw namin kay Lito Atienza. Hindi siya dapat ihalal sa darating na halalan.

Maraming salamat, po.