Calendar
Kuha ni JOSEPH MUEGO
Ayon sa tala ng PNP, may 51 baril sina VP Sara at asawa, kabilang mga awtomatikong riple
MAY 51 baril na nakarehistro sa pangalan ni Vice President Sara Z. Duterte at ng kanyang asawang si abogado Manases “Mans” Carpio, kabilang ang apat na Class A light weapons na may fully automatic na kakayahan, ayon sa mga tala ng Philippine National Police (PNP) na iniharap noong Lunes sa kanyang impeachment trial.
Nagpatotoo si Police Maj. Jerickson Sangalang, hepe ng Records Division ng PNP Firearms and Explosives Office (FEO), na 22 sa mga baril ay nakarehistro kay Duterte at 29 naman kay Carpio.
Iniharap ni House prosecutor at San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora ang mga tala bilang bahagi ng kaso ng prosekusyon sa ilalim ng Article II ng Articles of Impeachment na tumatalakay sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte.
“Si Vice President Sara po ay merong 22 firearms. Meron po siyang 14 na pistols, two revolvers, five rifles, of which tatlo po doon ay Class A light weapons, and isa pang shotgun,” ani Sangalang.
May 16 pistols, dalawang revolvers, isang shotgun, at 10 rifles si Carpio, kabilang ang isang Class A light weapon. Isa sa kanyang mga baril ay may expired na rehistrasyon.
Sinabi ni Sangalang na kapwa may Type 5 licenses sina Duterte at Carpio para sa pagmamay-ari at paghawak ng mga baril. Pinahihintulutan ng ganitong lisensya ang mga sertipikadong gun collector na magkaroon ng higit sa 15 rehistradong baril.
Nang tanungin tungkol sa tatlong Class A light weapons na nakarehistro kay Duterte, kinumpirma ni Sangalang na may fully automatic na kakayahan ang mga ito.
“Ibig sabihin po nito, ’pag kinalabit po natin iyong gatilyo, sunud-sunod na po iyong puputok,” aniya.
Batay rin sa mga tala ng FEO, ang pinagsamang kasalukuyang market value ng mga baril ng mag-asawa ay ₱7,220,370—₱2,184,550 para sa mga baril ni Duterte at ₱5,035,820 para sa mga kay Carpio.
Gayunman, naging punto ng pagtatalo ang valuation dahil iginiit ng depensa na ang mga halagang iyon ay batay sa kasalukuyang presyo sa merkado at hindi sa aktuwal na halagang binayaran ng mag-asawa para sa mga baril.
Kinuwestiyon din ni Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero ang kaugnayan at bigat ng ebidensiyang ito sa kasong may kinalaman sa hindi maipaliwanag na yaman at inatasan ang mga prosecutor na paikliin ang kanilang presentasyon matapos maglahad ng katulad na mga alalahanin ang mga senator-judge.
Inamin ni Sangalang na wala siyang personal na kaalaman tungkol sa aktuwal na halagang ginastos ng mag-asawa sa pagkuha ng mga baril.
Kasunod nito, hindi na nagsagawa ng cross-examination ang depensa matapos tiyakin ni Escudero na ang ₱7.2-milyong valuation ay batay sa market survey ng FEO at hindi nangangahulugang iyon ang aktuwal na halaga na ibinayad ng mag-asawa sa pagkuha ng mga baril.
Iniharap ng House prosecution ang mga tala ng mga baril bilang bahagi ng mas malawak nitong pagsusuri sa mga asset at interes sa pananalapi ni Duterte kaugnay ng kasong may kinalaman sa hindi maipaliwanag na yaman.

