Bicol

Ayuda na ibinuhos ni PBBM sa Albay, Catanduanes, Masbate, Sorsogon aabot ng P100M

Chona Yu Jun 7, 2024
128 Views

AABOT sa P100 milyong halaga ng tulong ang ibinuhos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga lalawigan ng Albay, Catanduanes, Masbate, at Sorsogon.

Sa talumpati ni Pangulong Marcos sa pamimigay ng ayuda sa Legazpi City, Albay, sinabi nito na galing ang pondo sa Office of the President.

Ibinigay ang pondo sa provincial government para ipamahagi ang tig P10,000 sa 10,000 benepisyaryo sa bawat probinsya sa mga magsasaka, mangingisda, at ilang piling pamilya na lubhang naapektuhan ng tagtuyot na dala ng El Niño.

Ayon kay Pangulong Marcos, hindi rin nagpahuli ang Department of Social Welfare and Development (DSWD)at namahagi ng tig P10,000 sa 5,000 benepisyaryo ng AKAP program.

Sa hanay naman ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Fisheries, namigay naman ng hybrid rice and corn seeds, mga fertilizers, pumping sets, lambat, tatlong de-makinang 18-footer na bangka, at iba pang mga ibang tulong at suporta.

Namahgi naman si Speaker Martin Romualdez ng tig limang kilong bigas sa mga dumalo.

Bicol region bubuhusan ng infra projects

Nauna rito, tiniyak ni Pangulong Marcos Jr. na bubuhusan ng infrastructure projects ang Bicol region.

Sa talumpati ni Pangulong Marcos sa pamamahagi ng titulo ng lupa sa Fuerte CamSur Sports Complex sa Pili, Camarines Sur, sinabi nito na nais niyang gumanda ang buhay ng mga taga Bicol.

“Kaya, asahan ninyo [na] lagi kaming may baong magandang balita at pasalubong. Mula sa pagtatapos ng imprastraktura na aming ipinatayo hanggang sa mga programang aming pasisinayaan upang maging mas masagana ang pamumuhay dito sa Region V,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Kabilang sa mga proyektong tinukoy ni Pangulong Marcos ang Camarines Sur Expressway, Pasacao-Balatan Tourism Coastal Road at New Naga Airport Development Project.

Umaasa si Pangulong Marcos na mabibigyan ng maayos na transportasyon ang mga taga Bicol oras na matapos ang mga nabanggit na proyekto.

Ayon sa Pangulo, inilunsad na ng pamahalaan noong nakaraang taon ang Kadiwa ng Pangulo at Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Housing Project sa Camarines Sur.

Natapos na aniya ng administrasyon ang walong farm-to-market roads na nasa 8.32 kilometero at nagkakahalaga ng P193 milyon.

Siyam na farm-to-market road projects pa aniya ang nasa pipeline na may kabuuan na 31 kilometero at nagkakahalaga ng P675 milyon.

Inatasan din ni Pangulong Marcos ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na agad na tapusin ang mga infrastructure projects gaya ng flood control facility sa Bicol River para maiwasan ang pagbaha.