DOLE

Ayuda ng DOLE para sa mga Pinoy deportees sa US pinapurihan

Mar Rodriguez Feb 4, 2025
9 Views

PINAPURIHAN ni Manila 2nd Dist. Rep. Rolando “CRV” M. Valeriano ang Department of Labor and Employment (DOLE) matapos itong magpahayag ng kahandaan para tulungan ang maraming Pilipino sa Estados Unidos na inaasahang tatamaan ng pagpapatupad ng mahigpit na “deportation policy” laban sa mga illegal alien.

Pinasalamatan naman ni Valeriano, Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. matapos nitong ipag-utos sa DOLE ang pamamahagi ng ayuda para sa mga Pilipinong deportees.

Sinabi ng kongresista na isang napakalaking dagok para sa mga Pilipinong nasa Amerika ang napipintong deporation nila pabalik ng Pilipinas patungkol sa gagawing paghihigpit ng US government laban sa mga illegal immigrants na naninirahan sa nasabing bansa.

Pagdidiin ni Valeriano na walang mapapasukang trabaho o pagkakitaan ang mga Pinoy deportees kaya isang napakalaking tulong ang ipagkakaloob na ayuda ng DOLE upang makapagsimula sila ng panibagong buhay pagbalik nila ng bansa.

Ipinaliwanag din ni Valeriano na ang nakatakdang pagpapatupad ni US President Donald Trump ng total crackdown laban sa mga illegal immigrants ay seryoso at kritikal kaya kinakailangan talagang paghandaan itong mabuti ng pamahalaan.

Sabi pa nito na ang pagtulong na gagawin ng gobyerno ay kahalintulad ng ginawa nito sa 200,000 undocumented Filipinos sa Malaysia.

Ipinabatid naman ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na tinatayang nasa 24 na Pilipino ang inaasahang ipapatapos pabalik ng Pilipinas habang nasa 80 ang nasa deportation process.