Romero

Ayuda ng pamahalaan para sa mga mahihirap malaking tulong -Rep. Romero

Mar Rodriguez Feb 18, 2025
32 Views

BINIGYANG DIIN ng Chairman ng House Committee on Poverty Alleviation na si 1-PACMAN Party List Rep. Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., na malaking tulong para sa mga mahihirap na Pilipino ang ipinamamahaging ayuda para sa kanila taliwas sa mga ibinabatong kritisismo ng ilang grupo laban sa nasabing programa.

Bilang Chairperson ng Committee on Poverty Alleviation, dinepensahan ni Romero ang ipinamamahaging ayuda ng pamahalaan sa pamamagitan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (PPPP) at Pagtulong sa mga Mahihirap kung saan libo-libo aniyang mahihirap na mamamayan ang nakikinabang sa naturang programa.

Ipinaliwanag ni Romero na bahagi ng pakinabang na nakukuha ng napakaraming mahihirap na mamamayan mula sa ipinamamahaging ayuda ay nakakakuha sila ng cash incentives para sa mga naghihikahos na pamilyang nangangailangan.

Sinabi pa ng kongresista na kabilang din sa programang ito ang tulong para makapag-tapos ng pag-aaral ang isang estudyante na hindi na kayang pag-aralin ng kaniyang mga magulang sa pamamagitan ng pagkakaloob ng libreng edukasyon.

Kasabay nito, umaapela din si Romero sa mga kritiko ng ayuda program ng pamahalaan na tigilan na ang kanilang paninira laban sa naturang programa sapagkat napakalaki ang naitutulong nito para sa mga mahihirap na pamilya kapos sa kabuhayan.

Pagdidiin ni Romero na sa kabila ng mga pambabatikos laban sa ayuda program. Marami parin aniyang mga Pilipino ang sumusuporta dito alinsunod sa survey ng Social Weather Station (SWS) kung saan 80% hanggang 90% ng mga Pinoy ang kumikilala sa benepisyo ng isinasagawang social welfare programs ng gobyerno.