Tulfo1

Ayuda, pangkabuhayan sa mga displaced jeepney driver – Tulfo

160 Views

NANAWAGAN si House Deputy Majority Floor Leader Cong. Erwin Tulfo sa pamahalaan na magbigay naman ng ayuda at pangkabuhayan sa mga tsuper ng jeep na mawawalan ng hanapbuhay bunsod ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.

Sa panayam sa isang radyo kamakailan, sinabi ni Cong. Tulfo na ilang libong mga driver daw ang mawawalan ng pagkakakitaan dahil sa modernization program.

“Sa datos mismo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), 75% lang ng mga jeepney operators ang nagparehistro para sa nasabing programa”, ayon pa sa ACT-CIS Representative.

Aniya, “so, ilang libong jeepney drivers din ang mawawalan ng kita o hanap buhay. Nararapat lamang na may nakahandang ayuda o pangkabuhayan para sa kanila at this point”.

Ayon pa sa mambabatas, naiintindihan daw nya ang sitwasyon ng pamahalaan na kailangan i-phase out na ang mga lumang diesel engine na mga jeep at palitan ng makabagong euro4 compliant vehicles para makabawas sa polusyon.

“Hindi naman lahat ng operator kaya bumili ng P2 million na modern jeepney. Kaya dapat may naka-ready na financial assistance sa ilang libong jeepney drivers at pamilya nila sa panahon na ito”, ayon kay Tulfo.

Dagdag pa ng mambabatas, nariyan naman daw ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE) na handang umagapay sa mga tsuper na ito.

Noong Disyembre 31, 2023 ang deadline para magparehistro ang mga jeepney operators sa modernization program.

Pero reklamo ng ilang transport groups, masyadong mahal o overpriced ang mga ibinibentang modern jeepney na maging si House Speaker Martin Romualdez ay nais paimbestigahan ang isyu at ipa-hold muna ang implementasyon ng jeepney modernization program.