Malabon

Babae nahagip, nagulungan ng rumaragasang trailer truck, patay

Edd Reyes Nov 25, 2025
224 Views

DEDO ang 26-anyos na ginang nang mahagip at magulungan ng rumaragasang trailer truck Lunes ng gabi sa Malabon City.

Naisugod pa sa Tondo Medical Center ng nagrespondeng rescuers ng Malabon Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang biktimang si alyas “Alaiza”, residente ng Sitio 6, Brgy. Catmon, subalit patay na nang idating sa naturang pagamutan sanhi ng matinding pinsalang tinamo sa katawan.

Sa imbestigasyon nina P/MSg Bernardo Bernal at P/MSg Raymond Siatrez ng Malabon Police Sub-Station 4, naglalakad sa kahabaan ng Gov. Pascual Avenue, Brgy. Catmon ang biktima dakong alas-6:15 ng gabi nang mahagip at magulungan ng rumaragasang trailer truck na may plakang NDJ5017.

Naaresto naman ng pulisya ang driver na si alyas “Rodolfo”, 56, residente ng J.P. Rizal St. Tondo Manila at na-impound na rin ang tractor head at hila nitong trailer na walang laman.