Crime Source: File photo

Lalaki binaril sa ulo ng nakagitgitan sa dance floor, sugatan

276 Views

SUGATAN ang isang lalaki matapos barilin nang nakagitgitan sa dance floor ng isang bar sa Quezon City.

Patuloy na ginagamot sa isang ospital ang 23-anyos na lalaking biktima dahil sa isang tama ng baril sa ulo.

Sinampahan naman ng Quezon City Police District (QCPD) ng mga kasong kriminal ang nakatakas na gunman at ang kaniyang kasamahan na nakilala bilang “Pepe,”

Ayon sa report nangyari ang insidente madaling araw ng Nobyembre 16 sa loob ng isang club sa Brgy. Laging Handa, QC.

Dumating sa nasabing club ang tinuturong gunman at hinintay ang kaibigang si alyas “ Boss Pepe,” na Operations Manager ng club.

Agad umanong pinapasok ang suspek at pinadaan sa loob nang hindi na sumailalim sa karaniwang security frisking.

Pagsapit ng 4:42 a.m., nagkaroon umano ng komosyon sa pagitan ng kasama ng suspek at ng biktima.

Binaril umano ng suspek ang biktima sa ulo at agad na tumakas.

Agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang mga tauhan ng Kamuning Police Station 10, Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), at SOCO. Nakarekober sila ng isang basyo ng bala at isang deformed bullet sa crime scene.

Sa pamamagitan ng CCTV footage, testimonya, at koordinasyon sa mga opisyal ng San Juan City, nakumpirma ang pagkakakilanlan ng gunman at ang umano’y kaugnayan niya sa Original Pinoy Gangster (OPG) — San Juan Hood, pati na ang mga dating tirahan niya sa Quezon City at San Juan.

Napatunayan ding rehistradong gun owner ang suspek kaya humiling ang QCPD sa PNP Firearms and Explosives Office na kanselahin ang kaniyang lisensiya sa pagmamay-ari ng baril.

Noong Nobyembre 19, 2025, naghain ng kasong Frustrated Murder laban sa suspek, habang sinampahan naman alias Pepe ng kasong Accessory to Frustrated Murder dahil sa umano’y pagtulong nitong makapasok ito sa loob ng club nang hindi sumasailalim sa security check.

“Sa pamamagitan ng masusing imbestigasyon at tuloy-tuloy na follow-up operations, sinisiguro namin na makakamit ang hustisya habang iginagalang ang due process. Patuloy ang pagsisikap ng QCPD upang matagpuan at madakip ang mga suspek,” pahayag ni PCol. Randy Glenn Silvio, Acting District Director ng QCPD.