Calendar
Babae nanganak sa tricycle, tinulungan ng pulis

CAMP CAPTAIN JULIAN OLIVAS, City of San Fernando, Pampanga – Ligtas na nanganak ang isang babae sa loob ng tricycle sa Camp Olivas matapos agad rumesponde ang Emergency Response Team ng Regional Medical and Dental Unit 3 (RMDU3) sa isang hindi inaasahang medical emergency.
Ayon sa ulat, mabilis na pumasok sa kampo ang tricycle upang humingi ng agarang tulong para sa babae na nakararanas na ng matinding paghilab.
Sa pangunguna ni RMDU3 Chief Col. Jonathan Adanglao, agad na kumilos ang emergency team na pinamunuan ni Capt. Aron Cardijon, OIC ng Nursing Service, kasama si operations officer Lt. Minet M. Bangit at ang mga naka-duty na infirmary personnel.
Matapos suriin ang kalagayan ng pasyente, napagdesisyunan ng mga responder na hindi na aabot pa sa ospital ang babae kaya naman isinagawa ng team ang isang emergency delivery sa mismong loob ng tricycle.
Dahil sa maayos at mabilis na pagtutulungan ng mga medical responder, matagumpay na naipanganak ang isang malusog na sanggol.
Nabigyan ng agarang post-delivery care ang mag-ina bago sila dinala sa pinakamalapit na ospital para sa karagdagang obserbasyon at medikal na atensyon.
Pinuri ni Police Regional Officer (PRO) 3 Director Brig. Gen. Ponce Rogelio I. Peñones Jr. ang mabilis at maagap na aksyon ng pangkat, at binigyang-diin ang kanilang dedikasyon sa paglilingkod-bayan.
“Ipinapakita ng insidenteng ito ang tunay na puso ng PRO3 personnel―handang tumulong, handang magligtas ng buhay, at handang maglingkod nang may malasakit at dedikasyon. Ang mabilis na aksyon ng RMDU3 ang uri ng serbisyo-publiko na nais naming maipamalas araw-araw,” ani Peñones.
Dagdag pa niya, ang maagap na tugon ng unit ay sumasalamin sa pangako ng PRO3 sa kapakanan ng komunidad sa ilalim ng PNP Focused Agenda ni acting chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., partikular sa pagsusulong ng responsive, compassionate, at service-oriented policing.
Sinabi ng mga awtoridad na parehong nasa maayos at stable na kondisyon ang ina at ang sanggol.

