Calendar
Suspek nakipagbarilan sa parak habang inaaresto, sugatan, nasakote
ARESTADO ang lalaking nakipagbarilan sa mga pulis na humuhuli sa kanya dahil sa pagpatay sa kanyang pinsang lalaki noong Huwebes sa Liliw, Laguna.
Isinugod si alyas Amor sa Nagcarlan District Hospital upang malapatan ng lunas ang tinamong tama ng bala.
Sa ulat ng Liliw police, lasing ang suspek nang pasukin ang bahay ni alyas Paulo dakong alas-7:30 ng gabi.
Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa at tinangka pang awatin ng babae ring pinsan ng suspek na si alyas Elsa subalit sa halip na paawat, bumunot ng baril si alyas Amor at sunod-sunod na pinaputukan ang biktima na agad nitong ikinamatay.
Nasabat ng intelligence operatives ang sasakyang gamit sa pagtakas ng suspek subalit sa halip na sumuko, naglabas pa siya ng baril at itinutok sa mga operatiba na dahilan para siya paputukan.
Sa kabila ng pagtatamo ng tama ng bala, nagawa pang makasibat ng suspek hanggang masabat siya sa Poblacion 2, Nagcarlan na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.

