DSWD Source: FB

‘Babae sa imburnal’ may P80K mula DSWD pangtayo ng sari sari store

47 Views

ANG babaeng lumabas mula sa imburnal sa Makati City kamakailan ay tatanggap ng P80,000 tulong-pangkabuhayan mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang makapagsimula siya ng sariling sari-sari store.

Ito ay kinumpirma ni DSWD Secretary Rex Gatchalian matapos niyang makipagkita kay “Rose” sa DSWD Pag-abot Center sa Pasay City nitong Huwebes upang alamin ang kanyang kalagayan kasunod ng viral na insidente at ipabatid na handang tumulong ang pamahalaan.

Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tulungan si Rose at ang iba pang mga families and individuals in street situations (FISS) o mga taong naninirahan sa lansangan.

“Ang magiging intervention natin kay Rose, pangarap daw niya kasing magkaroon ng tindahan at sa assessment ng ating social worker ay kaya naman niya,” ani Gatchalian sa mga mamamahayag.

Si Rose, na namumuhay sa pangangalakal ng basura at pagbebenta ng mga recyclable, ay ikinuwento ang tunay na nangyari sa likod ng kanyang mga litrato.

Ayon sa kanya, pumasok siya sa imburnal upang kunin ang kanyang maliit na cutter na ginagamit sa pangangalakal na nahulog sa kanal. Ang mga viral na larawan ay kuha pagkatapos niyang makuha ang naturang kagamitan.

Ayon kay Gatchalian, bibigyang pansin din ng DSWD ang posibilidad ng tulong para sa partner ni Rose na si “Jerome,” na isang panadero.

Mahigit isang taon na silang naninirahan sa kalsada sa Pasong Tamo, Makati City, subalit nagsikap umano silang kumita at makaarkila ng matitirhan.

“Si Jerome, ang kanyang partner, ay dadalhin din niya sa atin baka matulungan sa training dahil marunong mag-welding. Baka matulungan sa pagbili ng welding machine para yung kita nilang dalawa mas maging stable,” dagdag ni Gatchalian.

Nagpahayag din si Rose ng kagustuhang tumulong sa programa sa pamamagitan ng pagsama sa mga outreach ng Pag-abot team upang hikayatin ang ibang mga katulad niyang nasa lansangan na lumapit sa sentro upang matulungan din.

“Tumulong si Rose. Yung mga nakakasalamuha niya na kagaya niya ng sitwasyon, tutulungan niya kami na kumbinsihin sila na sumama dito sa Pag-Abot shelter para mabigyan ng tulong,” sabi ni Gatchalian.

Ang Pag-abot Center ay nagsimula noong 2023 at nagbibigay ng pansamantalang tirahan sa mga FISS bago sila tulungang makauwi sa kanilang mga probinsya at makapagsimulang muli sa tulong ng iba’t ibang programang nakapaloob sa Pag-abot Program.