Comelec Source: FB

Babala ng Comelec: Kandidato na pinondohan ng banyaga pwedeng ma-DQ

18 Views

MAHAHARAP ba sa diskwalipikasyon ang tatanggap ng pinansyal na suporta sa Tsina?”

Ito ang tanong na lumutang sa isang pagdinig sa Senado noong Mayo 5, matapos ipahayag ni Senador Joseph Victor “JV” Ejercito ang kanyang pag-aalala hinggil sa mga kandidatong umano’y sinusuportahan ng mga dayuhang pamahalaan—lalo na yaong may kaugnayan umano sa China.

Habang papalapit na ang pambansang halalan sa 2025, lalong umiigting ang mga alalahanin tungkol sa dayuhang impluwensya sa pulitika ng Pilipinas.

Iginiit ni Ejercito na dapat seryosong suriin ang mga kandidatong sinasabing may suporta mula sa banyagang pondo, tulad ng mula sa China.

Tinanong ni Ejercito si Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia kung maaaring madiskwalipika ang isang kandidato sa pagtanggap ng tulong pinansyal mula sa mga banyaga. Tuwirang sagot ni Garcia, “Yes, it can.”

Ayon kay Garcia, ipinagbabawal ng batas sa halalan ang pagtanggap ng pondo mula sa mga dayuhang mamamayan, maging mula sa mga dating Pilipino na tinalikuran na ang kanilang pagkamamamayan.

“That is why we ask that a statement of contribution and expenditure is submitted,” paliwanag ni Garcia.

Dagdag pa niya, nakipag-ugnayan na ang COMELEC sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) upang tumulong sa pagsubaybay sa mga banyagang pondong pumapasok sa kampanya.

Ang babalang ito ay malinaw na paalala sa mga kandidato ngayong papalapit ang eleksyon: kailangang sumunod sa legal na pinagmumulan ng pondo, kung hindi ay maaaring matanggal sa laban.

Binigyang-diin din nito ang pinaigting na pagsisikap ng COMELEC at BSP na tiyaking magiging patas at malinaw ang halalan sa darating na Mayo 12, 2025.