Badoy

Badoy pina-contempt ng komite

Mar Rodriguez Dec 6, 2023
141 Views

IPINAKULONG ng House Committee on Legislative Franchises ang anchor ng Sonshine Media Network International (SMNI) na si Lorraine Badoy matapos ma-cite in contempt dahil sa umano’y pagsisinungaling.

Batay sa inaprubahang mosyon ng chairperson ng komite na si Parañaque City Rep. Gus Tambunting si Badoy ay mananatili sa detention center ng Kamara hanggang sa maaprubahan ng plenaryo ang report na gagawin ng komite.

Si Manila Rep. Bienvenido Abante ang nag-mosyon para ipa-contempt si Badoy dahil sa hindi pagsasabi ng totoo sa detalye ng mga advertisement sa kaniyang programa. Sinegundahan ni Antipolo City Rep. Romeo Acop ang mosyon.

“Section 11 refusal to answer in a relevant inquiry acting in a disrespectful manner because she was found lying, Mr. Chair, that would be my reason to make a motion to declare her in contempt,” sabi ni Abante matapos aprubahan ni Tambunting ang mosyon.

Pinagtibay din ni Tambunting ang hiwalay na mosyon ni Abang Lingkod Partylist Rep. Joseph Stephen Paduano na madetine si Badoy hanggang sa maresolba sa plenaryo ang isyu patungkol sa pekeng balita na gumastos si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng P1.8 billion sa kanyang mga biyahe at ang posibleng paglabag ng SMNI sa kanilang prangkisa.

Nauna ng na-cite in contempt ng komite ang co-anchor ni Badoy na si Jeffrey Celiz.

Maliban sa umanoy P100,000 na buwanang sweldo nina Badoy at Celiz, sinabi ng counsel ng SMNI na si Mark Tolentino na tumatanggap din si Badoy at Celiz ng tig-25% ng kita mula sa advertisement sa kaniyang programang Laban Kasama ang Bayan habang ang natitirang 50% ay sa SMNI

Tinukoy ni Badoy ang e-fuel, food cart, at Galilee Water bilang advertiser ng kaniyang program matapos usisain ni Quezon Rep. David ‘Jayjay’ Suarez.

“Sa totoo lang, ang konti talaga ng sponsors d’yan because the anti-CPP works is not sexy nobody wants to touch it,” sabi ni Badoy.

Nabahala naman si Tambunting na walang alam si Badoy tungkol sa kaniyang advertisers.

“Hindi ba kung kayo ay may revenue dapat alam nyo kung saan ang source ng revenue…. para alam n’yo na tama ‘yung 25% na makukuha nyo,” punto ni Tambunting.

“Mr. Chair, I honestly don’t care about the money. That’s the truth,” sagot ni Badoy.

Punto ni Tambunting dapat ay mas madaling matandaan ni Badoy ang kanilang mga advertiser kung kakaunti lang naman.

Sa pagusisa ni Suarez, sinabi ni Tolentino na walang advertiser ang naturang programa.

“Ano yung sinabi ni Dr. Badoy na e-fuel, food cart, ano yun?” tanong ni Suarez

Tugon ni Tolentino, “[They are] advertisers not of ‘Laban Kasama ang Bayan’. It is an advertiser of a program prior to the program.”

Sabi naman ni Santa Rosa Rep. Dan Fernandez na hindi makatotohanan ang mga adokumentong isinumite ng SMNI.

“Clearly nagsisinungaling kayo Ma’am Badoy, dahil ang sinasabi n’yo kumikita kayo sa pagiging co-producer pero hindi nakalista sa breakdown ng inyong revenue…. Sabi mo may tatlong nag-a-advertise,” ani Fernandez.