Calendar
Kinakausap ni Police Lieutenant Colonel Dionelle Brannon, hepe ng MPD Sta. Ana police station 6, ang naarestong suspek sa pamamaril. JONJON C. REYES
Bagger binoga ng walang dahilan, sugatan
NAARESTO ng mga operatiba ng Station Tactical Motorcycle Rider Unit (STMRU) ng Sta. Ana Police Station 6 ng Manila Police District ang isang lalaki makaraang barilin ang 22-anyos na bagger sa Aragon St., Brgy. 792, Sta. Ana, Manila.
Natimbog sa loob ng bahay ang suspek na si alyas Norman at naisugod naman sa Sta. Ana Hospital ang biktima niya dahil tama ng bala sa kaliwang binti.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Dionelle Brannon, station commander ng Station 6, bandang alas-9:00 ng gabi ng mangyari ang pamamaril.
Base sa salaysay ng biktima, naglalakad siya kasama ang kanyang kaibigan nang sigawan ng suspek saka pumasok sa loob ng kanyang bahay at lumabas na may hawak na baril at pinaputukan ang biktima.
Dahil dito sina Barangay Kagawad Rufina Odal Calma at Kagawad Neptali Viñas ng Barangay 792 sinamahan ang biktima sa ospital.
Nagpadala ng mga tauhan ang police unit sa pangunguna ni Police Capt. Reynante Palomino ng MPD SWAT team kaya nahuli ang suspek.
Narekober sa possession ng suspek ang isang kalibre 40, isang magazine na may 11 bala ng kalibre 40 na bala at 47 pang bala.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Article 249 (attempted homicide).

