Bagong building code isinusulong ni Sen. Tulfo

60 Views

INIHAIN ni Sen. Raffy Tulfo ang panukalang batas na naglalayong palitan ang halos limang dekada ng building code ng mas napapanahong mga patakaran sa construction safety, structural review, inspeksyon at pananagutan sa mga aksidenteng may kaugnayan sa gusali.

Inihain ni Tulfo ang Senate Bill No. 2158, o ang New Philippine Building Act, kasunod ng pagguho ng gusaling itinatayo sa Brgy. Balibago, Angeles City, Pampanga.

Ipinakita ng insidente ang pangangailangang i-update ang Presidential Decree No. 1096, o ang National Building Code of the Philippines, na umiiral mula pa noong 1977, ayon sa senador.

Binanggit din ng senador ang isa pang aksidenteng may kaugnayan sa gusali na nauna nang natalakay sa kanyang programa, kung saan nahulugan ng debris mula sa condominium building sa Tomas Morato, Quezon City ang dalawang estudyante na ikinasawi ng isa.

Batay sa imbestigasyon, iniugnay ang insidente sa hindi maayos na maintenance at kabiguang maglagay ng wastong safety barriers at protective equipment.

Layunin ng panukalang batas na tugunan ang mga kakulangan sa building safety rules sa pamamagitan ng mas mahigpit at independiyenteng pagsusuri sa structural designs, mas istriktong construction-site safety standards, mas mataas na pananagutan ng contractors at mas masusing inspeksyon bago pa mangyari ang aksidente.

Layunin din ng panukala na magtakda ng malinaw na parusang kriminal sa building owners, building professionals, contractors, recognized certifiers, structural peer reviewers, testing laboratories, at inspectors na maaaring mapatunayang nagpabaya o lumabag sa panukalang batas.

Hinimok ni Tulfo ang kanyang mga kapwa senador na unahin ang pagpasa ng panukala.