Valeriano1

Bagong eskandalo sa NAIA parang Panchito-Babalu na lang

Mar Rodriguez Sep 22, 2023
113 Views

PARA kay Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano mistulang komedya na lamang ang mga kaganapan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos na muling masangkot sa eskandalo at kontrobersiya ang isang tauhan ng Office for Transportation Security (OTS).

Binigyang diin ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na paulit-ulit na lamang umano ang mga eksena sa loob ng NAIA na kinasasangkutan ng ilang tiwaling opisyal at tauhan ng OTS patungkol sa kaso ng pagnanakaw sa mga dayuhang pasahero.

Ikinatuwiran ni Valeriano na mistulang eksena sa isang komedya ang naging pangyayari sa loob ng NAIA sapagkat sino umano ang makakapag-isip na isusubo ng isang tao ang pera sa loob ng kaniyang bibig para lamang magnakaw gaya ng ginawa ng isang empleyado ng OTS.

Ang naging pahayag ng kongresista ay kaugnay sa panibagong kaso ng pagnanakaw sa NAIA na kinasasangkutan mismo ng 28-taong gulang na contractual employee ng OTS matapos itong makita sa CCTV o “huli”-cam na may tila isinusubo sa kaniyang bibig habang naka-duty sa Security Screening Checkpoint.

Bago ang pangyayaring ito, nag-reklamo ang isang Chinese national na pasahero na nawawala ang kaniyang $300 sa loob ng kaniyang bag matapos siyang dumaan sa security inspection.

Sinasabing mano-mano siyang ininspeksiyon ng nasabing 28-taong gulang na OTS employee o hindi dumaan ang dayuhang pasahero sa Security Screening Checkpoint.

Dahil dito, sinabi ni Valeriano na maaaring magamit ang kontrobersiyal at kinukuwestiyong “confidential funds” sa kasalukuyang kaganapan sa NAIA partikular na sa OTS upang tuluyan ng matuldukan ang tila paulit-ulit na lamang ng kaso ng pagnanakaw sa nasabing international airport.

Parang Panchito-Babalu Comedy na lamang ang nangyayari sa loob ng NAIA dahil sa dami ng mga reklamo at sumbong. Katawa-tawa ang kasalukuyang pangyayari duon na isinubo ang pera sa loob ng kaniyang bibig. Akalain mo, isinubo ang pera sa bibig para lang magnakaw,” paliwanag ni Valeriano.