Calendar

Bagong MPD chief nag-inspeksyon bilang paghahanda sa prusisyon sa Mahal na Araw
PINANGUNAHAN ni PBrig. Gen. Benigno L. Guzman, ang bagong director ng Manila Police District (MPD), kasama ang mga kapulisan ng Maynila ang walk-through at inspeksiyon sa paligid ng Quiapo Church umaga ng Sabado.
Ito ay bilang paghahanda sa nalalapit na prusisyon ng Itim na Nazareno sa araw ng Huwebes at Biyernes Santo upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga deboto na lalahok sa prusisyon.
Kabilang sa mga dumalo sa walk-through ay mga opisyal mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno. Inikot nila ang kahabaan ng Quezon Boulevard, Carriedo, Rizal Avenue sa Sta. Cruz, C. M. Recto, Palanca at Villalobos steets at Globo de Oro sa Quiapo, Manila.
Layunin ni Guzman na magkaroon ng tahimik at mapayapang pagtitika habang ginugunita ang Mahal na Araw sa Lungsod ng Maynila.
Sinabi rin ng MPD chief sa kanyang mga kapulisan na maging mapagmatiyag sa paligid at panatilihin ang presensiya sa lansangan at maging sa mga pantalan, terminal ng bus at iba pang mga simbahan, lalo na sa mga magsasagawa ng penitensya at Visita Iglesia at maging sa araw ng muling pagkabuhay ni Kristo o Easter Sunday.