BBM Makikitang nagpapasalamat si bagong PCO chief Cesar Chavez sa tiwala at oportunidad na ibinigay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Bagong PCO chief itinalaga ni PBBM; Garafil bagong pinuno ng MECO

Chona Yu Sep 5, 2024
80 Views

ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Presidential Assistant for Strategic Communications Cesar Chavez bilang bagong kalihim ng Presidential Communications Office (PCO) kapalit ni Atty. Cheloy Garafil na itinalaga namang bagong pinuno ng Manila Economic and Cultural Office (MECO).

Nanumpa na si Chavez sa bagong tungkulin kay Pangulong Marcos sa Malakanyang.

Una nang nagsilbi si Chavez bilang Undersecretary for Railways ng Department of Transportation.

Tutukan ni Chavez na maipalaganap ang mga polisiya ni Pangulong Marcos, mga programa at mga pet projects bukod pa sa Build, Better, More program at social development projects.

Tutukan din ni Chavez ang paglaban sa fake news.

Aatasan din ni Chavez ang lahat ng state media na magkaroon ng fact checker para hindi mabiktima ng fake news.

Tiniyak din ng bagong pinuno ng PCO na magiging aktibo ang kanyang papel sa pagsasalita sa isyu sa West Philippine Sea. Ayon kay Chavez, asahan na ng publiko na mas malakas na ang boses ng administrasyon sa paglalahad sa nangyayari sa WPS.

Nagiging agresibo na ang China sa pangha-harass sa mga barko ng Pilipinas na nagtutungo sa WPS.

“On one side, I’ll take an active role on messaging and communicating on our policies related to the West Philippine Sea,” pahayag ni Chavez.

Tutukan din ni Chavez ang infrastructure projects ni Pangulong Marcos

“I’ll also focus on bringing you the news, you can also scrutinize the infrastructure projects of the President,” pahayag ni Chavez.

Nagpasalamat si Chavez sa tiwala at oportunidad na ibinigay ni Pangulong Marcos.