Bagong Pilipinas dumating na sa Benguet, P412M halaga ng ayuda hatid para sa 80,000 benepisyaryo

95 Views

DUMATING na ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa Benguet at may dalang P412 milyong halaga ng cash assistance at iba pang serbisyo para sa may 80,000 benepisyaryo.

Pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang paglulungsad ng BPSF ngayong Abril 21. Magtatagal ito hanggang Abril 22. Nasa 70 ahensya ng gobyerno ang lumahok sa Serbisyo Fair na maghahatid ng 326 iba’t ibang serbisyo sa mga taga-Benguet kasama na ang P261 milyong halaga ng cash assistance.

“Inilulunsad po natin ngayong araw ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa inyong lalawigan. Ito po ay binuo bilang pagtalima sa utos ng ating mahal na Pangulo, Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., na aktibong abutin ng gobyerno ang mga taong kanyang pinaglilingkuran,” ani Speaker Romualdez, lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 miyembro sa pagbubukas ng BPSF sa Benguet State University sa La Trinidad.

Sinabi ni Speaker Romualdez na ang BPSF ay isang pagtupad sa pangako ni Pangulong Marcos na ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga Pilipino.

Ang BPSF sa Benguet ay kauna-unahan sa Cordillera Autonomous Region (CAR) Region at ika-15 sa serye ng service caravan na dadalhin sa 82 probinsya ng bansa.

“Sa Serbisyo Fair na ito, kusa pong lumapit sa inyo ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan upang maghatid ng tulong na inyong kailangan tungo sa ating sama-samang pag-unlad,” ani Romualdez.

“Ang mensahe po na pinaabot namin sa inyo ngayong araw: kahit bundok po aakyatin, para masigurado na wala pong maiiwan sa pagtataguyod natin ng Bagong Pilipinas,” dagdag pa nito.

Si Benguet Lone District Rep. Eric Go Yap ang nagsilbing local host ng event sa tulong ni Benguet Governor Melchor Diclas.

Dumalo rin sa event ang 63 kongresista, ang pinakamaraming bilang ng mga mambabatas na lumahok sa BPSF. Nalagpasan nito ang 62 na dumalo sa BPSF sa Agusan del Norte.

Sa kabuuan ay P261 milyong halaga ng cash aid at P151 milyon in-kind assistance ang dinala sa Benguet na kinabibilangan ng P110 milyong halaga ng social services, P10 milyong halaga ng health services, P50 milyong halaga ng agricultural services, P180 milyong halgaa ng livelihood services, P35 milyong halaga ng educational assistance, P25 milyong halaga ng iba pang government services at P1 milyong halaga ng regulatory services.

“Sadyain po natin ang bawat sangay ng pamahalaan na narito, at magtanong kung paano sila makakatulong sa inyo sa ating nais na mas magandang kinabukasan, ito man ay karagdagang impormasyon, dagdag-kaalaman o pagsasanay, trabaho, dagdag-puhunan o ayuda,” sabi ni Romualdez sa mga residente ng Benguet.

“Nagagalak po kami sa Kamara de Representante na makasama kayo ngayong araw at masaksihan dito sa Serbisyo Fair na ang mga programang pinondohan ng buwis na inyong pinagpaguran ay naibabalik din sa inyo, sa pamamagitan ng iba’t-ibang programang ipinatutupad ng mga ahensya ng pamahalaan,” dagdag pa nito.

Kasama sa serbisyong hatid ng BPSF ang pay-out para sa may 50,000 residente na benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS), isang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na nagkakahalaga ng P100 milyon.

Namigay din ng scholarship sa mga kuwalipikadong residente ng probinsya ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Commission on Higher Education (CHED at livelihood assistance sa iba’t ibang sektor.

Gaya ng ginawa sa ibang probinsya na nagresulta sa pagkakabansag sa kanyang “Mr. Rice” namigay din si Speaker Romualdez ng kabuuang 160,000 kilo ng bigas sa mga piling benepisyaryo.

“Your smiles, as you receive the assistance that the government extends, make the job that we do worthwhile and encourage us in the House of Representatives to think of new and better ways to help each and every Filipino realize his full potential,” wika pa ni Romualdez.

“Umasa po kayo na kami po na inyong mga kinatawan, baon ang inyong mga ngiti ngayong araw, ay hindi titigil at lalo pang magta-trabaho upang ang pangako ng pagkakaisa at pambansang kaunlaran ay ating makamit sa mas mabilis na panahon,” dagdag pa nito.

Isang Pagkakaisa Concert din ang idinaos sa unang gabi ng event. Ginanap ito sa Benguet State University oval kung saan nasa 10,000 ang inaasahang dumalo.