Calendar
Bagong polisiya ng US: Uwi muna, green card later
MAGBABAGO na ang proseso para sa maraming dayuhan na nais magkaroon ng permanent residency o “green card” sa Estados Unidos matapos ipatupad ng US Citizenship and Immigration Services (USCIS) ang bagong polisiya na mag-oobliga sa karamihan ng aplikante na umuwi muna sa kanilang bansa at doon dumaan sa proseso ng aplikasyon sa US embassy o konsulado.
Sa ilalim ng bagong patakaran, ang mga nasa Amerika gamit ang student visa, tourist visa, temporary work visa at iba pang pansamantalang status ay hindi na basta makakapag-ayos ng kanilang permanent residency habang nasa loob ng US, maliban na lamang sa tinawag na “extraordinary circumstances.”
Ayon sa Department of Homeland Security, layunin ng hakbang na higpitan ang paggamit ng immigration system at pigilan ang umano’y pag-abuso sa mga umiiral na patakaran. “An alien who is in the U.S. temporarily and wants a Green Card must return to their home country to apply… The era of abusing our nation’s immigration system is over.”
Matagal nang pinapayagan sa ilalim ng dating sistema ang tinatawag na “adjustment of status,” kung saan maaaring mag-apply ng green card ang ilang dayuhan habang nasa loob pa ng Estados Unidos.
Ngunit ayon sa mga grupong tumutulong sa mga migrante, maaari umanong magdulot ng pagkakahiwalay ng mga pamilya at dagdag na komplikasyon ang bagong polisiya dahil may mga aplikanteng posibleng mahirapang makabalik sa US matapos lumabas ng bansa.
Bahagi ang bagong hakbang sa mas malawak na pagtutok ng administrasyon ni US President Donald Trump sa pagpapatupad ng mas mahigpit na polisiya sa imigrasyon.
—-
SOURCE: https://x.com/DHSgov/status/2057817233200418837?s=20
