Hot News

Political scientist: Maaaring humihina na imahe ng katatagan ng kampo ni Duterte

107 Views

Sara

SINABI ng isang political scientist noong Sabado na maaaring nagsisimula nang mabasag ang matagal nang imahe ng katapangan at pagiging “invincible” ng pamilya Duterte at kanilang mga kaalyado habang nahaharap sa impeachment at mga kaso sa International Criminal Court (ICC) ang ilang mahahalagang personalidad na konektado sa kampo.

Ayon kay Cleve Arguelles, presidente at chief executive officer ng WR Numero Research, nagsisimula nang mabago ng mga kamakailang kaganapang pampulitika na kinasasangkutan ni Vice President Sara Z. Duterte at iba pang kilalang kaalyado ni Duterte ang pananaw ng publiko.

“Sa tingin ko, malinaw na nababasag ang imahe ng katapangan ng buong pamilya Duterte at kanilang mga kaalyado,” ani Arguelles sa lingguhang Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.

Sinabi ni Arguelles na matagal nang ipinapakita ng kampo ni Duterte ang imahe ng kawalang takot at pagiging agresibo sa pamamagitan ng matitinding pahayag at mapanghamong asal sa publiko.

“‘Magsuntukan tayo, ipapapatay kita, you face me, magharap tayo,’” ani Arguelles habang inilalarawan ang istilong pampulitika na iniuugnay sa administrasyong Duterte.

Ngunit hindi tulad noon, sinabi niyang mas nakikita na ngayon na may mga institusyon at kalaban sa pulitika na handang sumagot sa mga hamon na ito.

“Ngayon, ang kaibahan ay nakikita kasi na kapag humahamon sila, may sumasagot sa hamon, at hindi pala nila mapanindigan ang hamon,” aniya.

Tinukoy ni Arguelles ang hindi direktang pagsagot ni Duterte sa mga alegasyon sa mga pagdinig sa Kamara, ang napaulat na pagkawala ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa gitna ng mga kontrobersiyang may kaugnayan sa ICC, at ang pagkawala ni dating presidential spokesperson Harry Roque, na inilarawan niyang isang pugante.

“Si Vice President Sara ay hindi masyadong humarap sa mga alegasyon. Hindi rin naman sila kailanman lumahok sa House proceedings,” punto ni Arguelles.

Dagdag pa niya: “At mayroon din tayong mga kaalyado nila, gaya ni Senator Bato dela Rosa, na umiiwas sa arrest warrant. Nariyan din ang dating spokesperson na si Secretary Harry Roque, na isa ring pugante.”

Binanggit din niya na si dating Pangulong Duterte ay hindi pa personal na humaharap sa ICC.

“At si dating Pangulong Rodrigo Duterte naman, hindi pa humaharap sa ICC. Hindi pa rin pinapayagan ng kanyang defense team na personal siyang lumahok sa nagpapatuloy na paglilitis,” aniya.

Sinabi ni Arguelles na mahalaga ang mga pangyayaring ito sa pulitika dahil masusing binabantayan ng mga Pilipino ang asal, kilos, at karakter na ipinapakita ng mga opisyal ng gobyerno, lalo na sa panahon ng social media at tuluy-tuloy na political coverage.

“Malaking bagay ang imahe, malaking bagay kung ano ang ipinapakitang karakter ng ating mga politiko,” aniya.

Dagdag pa ng political scientist, ipinapakita na rin umano ng mga survey na maraming Pilipino ang nais na magpatuloy ang mga kaso sa ICC laban sa mga kaalyado ni Duterte, kabilang si Dela Rosa.

“Mula pa noong 2024, karamihan sa mga nasu-survey namin ay gustong harapin niya nang personal ang kaso sa ICC at siya ay maaresto,” ani Arguelles.

“Kaya sa tingin ko, lalo lamang magki-crystallize ang opinyon ng publiko na dapat nilang harapin ang iba’t ibang kasong ito,” dagdag pa niya.

Ayon kay Arguelles, maaaring makaapekto ang mga pangyayaring ito sa imahe ng mga kaalyado ni Duterte bilang mga politikong tila hindi matitinag.

“Kaya makakaapekto ito sa kanilang imahe na sila ay hindi matitibag,” diin ni Arguelles.