Go

Bakit ako mag-a-absent? — Go

87 Views

MARIIN na itinanggi ni Senador Christopher Lawrence T. Go ang mga alegasyon kaugnay ng dokumentong inilabas sa website ng International Criminal Court (ICC) at tinawag itong walang batayan at hindi patas.

Sa isang ambush interview, sinabi ni Go na wala siyang dahilan upang magtago at iginiit na wala siyang ginawang mali o ilegal.

“ Bakit naman ako mag a-absent? At bakit din ako magtatago? I firmly dispute the allegations in that document which are entirely unfounded, one-sided, at napaka-unfair naman po yun sa party ko,” ani Go.

Iginiit ng senador na ang kanyang mga naging hakbang sa pamahalaan ay isinagawa alinsunod sa batas.

“Alam naman po ng ating mga kababayan ang aking naging trabaho. Parati kong tinatandaan ang aking trabaho ay naayon sa batas ng tao at naayon sa batas ng Diyos,” aniya.

Sinabi niya na magpapatuloy siya sa pagpasok at pagtupad sa kanyang tungkulin bilang halal na senador.

“So dito ako para mag-report, mag-trabaho, at yan naman po ang aking sinumpaang tungkulin bilang senador. At hindi ko sasayangin yung tiwalang binigay po ng 27M Filipinos,” dagdag niya.

Idinagdag din niya, “Throughout my career I have upheld the highest standards of integrity, transparency and dedication to the welfare of our Filipino people.”

Nanawagan si Go na ihiwalay ang impeachment sa politika.

“Ihiwalay po natin ang politika sa impeachment. Trabaho po namin yan, mandato po namin yan bilang isang senador. Natitingnan po ang expedensya kung meron man. Ihiwalay po natin ang impeachment sa politika rin,” saad niya.

Ayon sa kanya, inaasahan ng publiko na tututok ang mga opisyal sa kanilang tungkulin.

“Trabaho muna tayo. Yan ang kailangan ng Pilipino sa ngayon. Gusto na ang Pilipino meron silang nakikitang gobyerno na nagtatrabaho para sa mga mahirap nating kababayan. Napakahalaga po noon. Yan ang inaantay ng Pilipino sa ngayon. Trabaho tayo,” pahayag ni Go.

Nang tanungin kung may pangamba siya sa posibleng pag-aresto, hindi siya direktang sumagot at sa halip ay tinukoy ang anim na taong panunungkulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“Ang ginawa lang niya lahat noon. Ang lahat, sinugal niya ang kanyang buhay para sa kinabukasan ng ating mga anak na nakakalakad ng ligtas. Yung ating mga anak na tahimik at hindi nasasaktan,” ani Go.

“Kayo pong humusga kung ano ang ginawa niya noong 6 taon na siya namuno sa ating bayan. At sinakripisyo po niya ang kanyang buhay para sa kinabukasan ng ating mga anak. Yan po ang kanyang ginawa,” dagdag niya.

Sinusuri ng ICC ang mga reklamo kaugnay ng kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon. Umalis ang Pilipinas sa ICC noong 2019, subalit nananatili ang posisyon ng korte na may hurisdiksyon ito sa mga alegasyong naganap habang kasapi pa ang bansa.

Wala ring inihayag si Go na anumang pagbabago sa kanyang mga tungkulin sa Senado kaugnay ng usapin.