Lacson

Lacson: Konstitusyon unahin sa pagtugon ng pamahalaan sa ICC

89 Views

Sinabi ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson na dapat mangibabaw ang pagtalima sa Konstitusyon sa tugon ng pamahalaan kaugnay ng mga sakdal ng International Criminal Court (ICC) laban kina Senador Ronald “Bato” dela Rosa at Christopher Lawrence “Bong” Go, kabilang ang probisyon sa immunity from arrest.

Diin ni Lacson, walang mawawalang moral ascendancy ang Senado hangga’t sumusunod ito sa Saligang Batas, partikular sa Art. VI, Sec. 11.

“If we violate the law of the land, yan ang walang patawad, wala tayong paguusapan. We are complying with the provision of the Constitution, which is the fundamental law of the land. Maliwanag na may immunity from arrest … pag ang penalty is six years and below, and Congress is in session. Wala tayong moral ascendancy na nawawala pag nag-follow tayo ng Constitution,” aniya sa isang panayam sa One News.

Matatandaang tinukoy ng ICC sina Go at dela Rosa bilang mga “co-perpetrators” ng dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kampanya laban sa ilegal na droga noong nakaraang administrasyon.

Ani Lacson, hindi pa malinaw sa ngayon kung pasok sina Go at dela Rosa sa immunity from arrest, dahil ang confirmation of charges hearing ng ICC para sa dating Pangulo ay nakatakda pa sa Peb. 23 hanggang 27.

Hanggang hindi natatapos ang nasabing pagdinig, hindi pa aniya tiyak kung ang kakaharaping parusa nina Go at dela Rosa ay pagkakabilanggo na “six years and below.” Kung mangyari ito, aniya, “pwedeng ma-invoke ang ating Constitution. Hindi lang batas yan, Constitution yan.”

Bukod dito, ipinaliwanag ni Lacson na bagama’t wala pang malinaw na depinisyon sa kasalukuyan, ang probisyon ng Konstitusyon tungkol sa “in session” ay maaaring bigyang-kahulugan na ang immunity from arrest ay mawawalan na ng bisa kapag nag-adjourn sine die ang unang regular na sesyon sa Hunyo 6.

Samantala, sinagot ni Lacson ang mga alegasyon ng pagkampi, at sinabi niyang ang isang politiko na “selfish” o “praktikal” ay maaaring matuwa pa sa pagkawala nina Go at dela Rosa sa Senado upang lalong patatagin ang liderato ni Senate President Vicente Sotto III.

“For practical reasons at hindi Constitution ang pinaguusapan, kung selfish reasons, mas gusto kong mabawasan ang minority para ma-secure ang leadership ni Senate President Vicente Sotto III, but that’s not what I’m fighting for. It’s the Constitution, based on consultation with legal experts,” pahayag niya.

Binasag din ni Lacson ang mga kritisismo ng ilang “abogado” tungkol sa kaniyang paninindigan, na ayon sa kaniya ay dumaan sa masusing konsultasyon.

“For the record, before I put forward a legal opinion during media interviews or committee hearings, I do it in consultation with legal experts, even retired SC justices on the subject matter for discussion. This way, I trust that I’m talking more sense than ordinary lawyers,” saad niya sa isang post sa X.

Muli rin niyang binigyang-diin na ang Korte Suprema ang huling hahatol sa usaping ito.

“I’m not saying I’m correct but I will not concede na tama (ang) any other lawyer. Hindi pa nag-rule ang Supreme Court. Hindi ko sinasabing tama ako di ko concede tama sila kasi wala pang legal precedent,” dagdag pa niya.