Calendar
Senador maaaring arestuhin sa ilang kondisyon ng batas
SINABI ni Senator Risa Hontiveros nitong Miyerkules na pinahihintulutan ng batas ang pag-aresto sa senador sa ilang kundisyon, ngunit iginiit niyang ang binibigyang-diin ng pamunuan ng Senado ay ang nakaugaliang “tradisyon” na walang pag-aresto sa loob ng Senado habang may sesyon.
“Sa batas, pwedeng arestuhin ang Senador basta’t hindi covered ng mas mababa sa anim na taong pagkakabilanggo, bilang parusa, at basta’t hindi in session ang Senado. Ang sinasabi lang po namin ni Senate President, ay ang naging tradisyon. Ang tradisyon ay hindi inaaresto ang Senador dito habang may session,” pahayag ni Hontiveros sa mga mamamahayag.
Nang tanungin kung maaari bang arestuhin ang mga senador kung ang inaakusahang krimen ay may parusang higit anim na taon at hindi naka-sesyon ang Senado, sagot niya, “Ayon sa batas, kung hindi kami in session at kung inaallege na krimen ay above six years of imprisonment kung ma-convict, pwede kaming arestuhin.”
Sinabi rin ni Hontiveros na inaasahan niyang pag-uusapan sa caucus ng Senado ang isyu, at tinawag niya itong “urgent matter.” “Iniintay ko yung final word from the leadership, pero urgent matter ito, so oras na mag-imbita sa caucus, I’m sure lahat ay dadalo,” aniya, at idinagdag na makabubuting magsimula ang mga senador na magkasundo kung ano ang kanilang posisyon.
Kasabay nito, sinabi niyang inaasahan niyang gagampanan ng mga awtoridad ang kanilang tungkulin, habang binigyang-diin na pananagutan ang pinakamataas niyang konsiderasyon. “And in the meantime sa ating po mga law enforcement authorities, inaasahan ko rin na gaagampanan din nila ang kanilang tungkulin sa ganitong mga sitwasyon. Inuulit ko po, ang pinakamataas na consideration ay accountability,” ayon sa kanya, at iniuugnay ito sa paninindigan niya para sa accountability sa mga kaso ng extrajudicial killings, crimes against humanity, at korapsyon.
Tungkol sa International Criminal Court, sinabi ni Hontiveros na sinusuportahan niya ang mga pandaigdigang proseso ng hustisya kapag hindi sapat ang tugon sa loob ng bansa para sa mga panawagan ng mga naulilang pamilya. “Kaya ko sinosuportahan yung pag-respeto natin bilang isang bansa sa mga pandaigdigang proseso ng hustisya tulad ng nagaganap ngayon sa ICC ay dahil kapagka hindi nakakayanan ng ating judicial system dito ang mas ganap at mas responsive na tugon sa ganyang mga panawagan ng mga naulilang pamilya, then at least we can count on yung community of shared values natin sa buong mundo,” aniya. Nang tanungin nang direkta ang kanyang posisyon sa ICC, sagot niya, “Sinosuportahan ko ang ICC at sinu-suportahan ko yung mga proseso ang idinadaos nila para sa mga mamamayan ng mundo. Kung ang mga mamamayan iyon ay hindi nakatatanggap ng sapat na tugon sa sarili nilang bayan.”
Tumanggi siyang magkomento sa post na iniuugnay kay dating senador Antonio “Sonny” Trillanes hinggil sa sinabi umano ni Mayor Leni at ni Senator Bam noong 2022, at sinabing hindi pa niya ito nababasa at mas patas na sila mismo ang maglinaw. “Hindi ko pa nababasa yung, I suppose recent post na yan, ni Sonny Trillanes. And sa kung ano ang sinabi ni Mayor Leni o ni Senator Bam nung 2022, mas fair kung iwan ko sa kanila, linawin or ipaliwanag iyon,” aniya.
Ayon kay Hontiveros, nakatuon ang reform-minded at opposition forces sa mas mahigpit na pagkakaisa at sa pagpili ng mga kandidato bago matapos ang taon o sa unang quarter ng susunod na taon. “Ang masasabi ko lang, sa ngayon, 2026, nakatutok ang mga reform-minded at opposition forces sa pagbubuo ng mas mahigpit pang pagkakaisa para pumili ng aming mga kandidato whether by the end of the year or first quarter of next year,” wika niya.
Tungkol naman sa pag-anunsyo ni Vice President Sara Duterte na tatakbo siya sa pagkapangulo sa 2028, sinabi ni Hontiveros na magtatakda ang oposisyon ng sarili nitong timeline. “Well, sabi nang paborito nating mga philosophers, tayo po ay may free will, so gamitin po natin,” aniya, at sinundan ng, “Nandun kami sa proseso ng pagtatakda ng aming sariling timeline, so yung free will na binanggit ko kanina, ginagamit na rin po namin sa sarili namin.”
Sa usapin ng mga nakabimbing impeachment complaints at ang “optics” kung sakaling umabot ito sa Senado para sa paglilitis, sinabi ni Hontiveros na ang magiging pasya ng mga senator-judges ay ibabatay sa ebidensiyang ihaharap. “More than any optics, malinaw sa amin dito sa Senado na kung may umabot sa aming impeachment complaints, kami magiging senator judges at mag-dedesisyon kami at boboto dun sa isyu batay sa mga ibedensyang, dun palang na ipipresenta sa amin,” ayon sa kanya, at inilahad itong usapin ng demand for accountability ng mga mamamayan sa mga nagtatrabaho sa gobyerno, kabilang ang pinakamataas na opisyal na maaaring masaklaw ng impeachment.
Nang tanungin kung bahagi si Trillanes ng usapang oposisyon, sinabi ni Hontiveros, “I do consider him an ally and a friend kaya binibilang ko siya at kanyang Partido Magdalo sa hanay ng opposition.”

