Calendar
Deputy Speaker Paolo Ortega V
DS Ortega: “Pinatutunayan ng kanyang pagtakbo sa 2028 ang motibong pampulitika sa likod ng paghihiwalay”
SINABI ni Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union noong Miyerkules na ang pagdedeklara ni Vice President Sara Duterte na tatakbo siya bilang Pangulo sa 2028 ay nagpapatibay sa matagal nang ipinahihiwatig ng mga pangyayari: ang kanyang paglayo sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay isang pampulitikang pagpoposisyon — hindi isang prinsipyadong paninindigan laban sa korapsyon o kawalan ng kahusayan.
“Inaalis ng anunsyo ang anumang pag-aalinlangan,” ani Ortega. “Ang pagdistansya ay hindi nakaugat sa reporma sa pamamahala. Bahagi ito ng mas malawak na planong elektoral.”
Binigyang-diin ni Ortega na ang naging turning point sa alyansa ay ang kontrobersiya hinggil sa confidential at intelligence funds na inilaan sa Office of the Vice President (OVP) at dati ring hawak ng Department of Education (DepEd) noong siya ay kalihim pa nito.
“Nang gamitin ng Kongreso ang kapangyarihang konstitusyonal nito sa oversight at humingi ng paliwanag kung paano ginamit ang confidential at intelligence funds, naging sentrong usapin ang transparency,” ani Ortega.
Ayon sa lider ng Kamara, paulit-ulit umanong tumanggi ang Pangalawang Pangulo na magbigay ng detalyadong pampublikong paliwanag hinggil sa balangkas ng paggamit ng mga pondo, dahil sa pagiging kumpidensyal ng mga ito.
“Walang kumukuwestiyon sa pagkakaroon ng legal na confidential funds,” ani Ortega. “Ang isyu ay pananagutan — ang tungkuling ipaliwanag sa sambayanang Pilipino kung paano pinangangalagaan ang pondo ng bayan alinsunod sa batas.”
Binanggit ni Ortega na sa halip na tugunan ang mahahalagang isyung ibinangon sa mga pagdinig, lalo umanong naging pampulitika ang sigalot.
“Malinaw ang timeline. May mga tanong na ibinangon. Na-activate ang oversight mechanisms. Sa halip na makipag-ugnayan sa institusyon, nakita natin ang paglayong pampulitika,” ani Ortega.
Ang kontrobersiya sa confidential funds ay kalauna’y naging pangunahing bahagi ng impeachment complaint na inihain laban sa Pangalawang Pangulo.
“Ang impeachment process ay nakasaad sa Konstitusyon. Hindi ito palabas na pampulitika,” diin ni Ortega. “Nakatuon ang reklamo sa umano’y maling paggamit at kabiguang maayos na maipaliwanag ang confidential at intelligence funds — hindi sa pagkakaibang pampartido.”
Itinuro rin ni Ortega na halos dalawang taon nagsilbi ang Pangalawang Pangulo sa loob ng administrasyon nang hindi hayagang tinutuligsa ang sistemikong korapsyon o kawalan ng kakayahan.
“Kung korapsyon at inefficiency ang tunay na dahilan, dapat ay naidokumento ang mga ito habang siya ay nasa loob pa ng Gabinete,” ani Ortega. “Sa halip, ang paghihiwalay ay kasabay ng masusing pagsusuri sa pondo at pagtatanong ng mga institusyon.”
Sa pormal niyang pagdedeklara ng pagtakbo bilang Pangulo, sinabi ni Ortega na naging malinaw na ang kontekstong pampulitika.
“Binabago ng succession politics ang mga alyansa. Iyan ang realidad,” ani Ortega. “Ngunit huwag nating baligtarin ang kuwento at ipresenta ang pampulitikang pagpoposisyon bilang moral na paglayo.”
Tinapos ng lider ng Kamara ang kanyang pahayag sa pagbibigay-diin sa pagkakaiba ng oversight at pampulitikang pag-atake.
“May mandato ang Kongreso sa ilalim ng Konstitusyon na busisiin ang paggasta ng pampublikong pondo. Ang pagtatanong tungkol sa confidential at intelligence funds ay hindi pangha-harass. Ito ay bahagi ng pamamahala,” ani Ortega.
“Ang pagtakbo bilang Pangulo ay isang demokratikong karapatan. Ngunit nararapat sa publiko ang malinaw na paliwanag: ang paglayo sa administrasyon ay bunsod ng mga hakbang sa pananagutan — hindi dahil sa biglaang pagkakatuklas ng korapsyon o kawalan ng kahusayan,” dagdag pa niya.
“Kayang suriin ng sambayanang Pilipino ang mga katotohanan. Ang kronolohiya ang magsasalita,” pagtatapos ni Ortega.

