WPS Source: PCG

Balanseng diplomasiya sa pagtanggol ng PH ng soberanya sa WPS isinulong

106 Views

SA gitna ng patuloy na agresibong aksyon ng China sa West Philippine Sea (WPS) at upang matugunan ang tumataas na tensyon, malakas na suporta ang ipinahayag ni Senador Joseph Victor “JV” Ejercito para sa balanseng estratehiya sa diplomasya at depensa sa pagresolba ng mga usapin sa WPS.

Nanawagan din si Ejercito para sa mas matibay na pagkakaisa ng ASEAN upang labanan ang pananakot at mapanatili ang soberanya ng Pilipinas.

Sa isang press conference sa Kapihan sa Senado, muling binigyang-diin ni Ejercito ang pangako ng Pilipinas sa diplomasya, na dapat maging pangunahing paraan sa pagresolba ng mga sigalot. Gayunpaman, binalaan niya na maaaring hindi sapat ang diplomasya lamang, kaya’t mahalaga ang pagkakaroon ng matatag na depensa upang mapalakas ang pag-angkin ng bansa sa teritoryo.

“We speak softly but carry a big stick,” ani Ejercito, na binigyang-diin ang kahalagahan ng kahandaan na protektahan ang pambansang interes.

Binigyang-diin din ni Ejercito ang papel ng mga bansang ASEAN sa sama-samang paglaban sa panlabas na presyur o pang iipit ng Tsina, kung saan ay sinabi niya, “Sana magkaroon ng band together para ma address itong expansionism at intimidation.” Ipinunto niya na ang nagkakaisang posisyon ng ASEAN ay maaaring magbigay ng mas matibay na depensa, na maka pagpipigil sa karagdagang pang-aagaw at magpapatibay ng respeto sa batas internasyonal sa rehiyon.

Pinagtuunan din ni Ejercito ang usapin ukol sa partisipasyon ng malalaking bansa, gaya ng Estados Unidos, sa mga isyu sa seguridad ng rehiyon. Bilang tugon sa pahayag ng China na nakakaapekto ang aktibidad ng Estados Unidos sa pagkakaisa ng rehiyon, nilinaw ni Ejercito na ang posisyon ng Pilipinas ay nakasalig sa sariling soberanya at hindi naaapektuhan ng panlabas na presyur o pakikialam ng sinuman.

“Hindi tayo nagpapagamit… tayo’y tumatayo. Protecting and standing on our sovereignty,” ani Ejercito, na binigyang-diin ang independenteng posisyon ng Pilipinas sa pagtatanggol ng teritoryo.

Bukod sa geopolitikal na aspeto, binigyang-diin ni Ejercito ang epekto ng tensyon sa WPS sa mga Pilipino, partikular sa kabuhayan ng mga mangingisda at kapakanan ng mga miyembro ng coast guard. “Ipaglalaban natin ang ating soberanya, ipaglalaban natin ang ating coast guard, navy personnel, at lalong-lalo na ang mga mangingisda,” kanyang idiniin, nananawagan ng mas matibay na proteksyon para sa mga apektado ng usaping pangteritoryo.

Ang mga pahayag ni Ejercito ay dumating sa kaugnay ng tumataas na pag-aalala sa rehiyon ukol sa seguridad sa dagat. Ipinahayag niya ang pag-asa na patuloy na talakayin ang isyu ng WPS sa mga susunod na ASEAN forum. “We have to talk about it already and prevent it from happening,” ani niya, kung saan ay hinihimok ang mga rehiyonal at global na kasamahan na maging mapagmatyag at maagap.

Sa kanyang mga pahayag, humihingi si Ejercito na pagkakaisa sa iba pang lider ng Pilipinas bilang panawagan din para sa diplomasya at matatag na inisyatiba sa depensa upang tiyakin ang soberanya ng bansa at protektahan ang interes ng mga Pilipino sa WPS lalot sa ganitong panahon na umiigting lalo ang pagtatalo sa WPS.

“Atin ang WPS at walang puwang ang pang-aagaw na ginawa dito. We should stand our ground and defend our rights and sovereignty,” ani Ejercito.