Isko

Balwarte ni Mayor Honey sinuyod ni Yorme

Edd Reyes Apr 13, 2025
26 Views

TINANGGAP ng mga residente ng ika-4 na distrito ng Maynila, ang teritoryo ni Mayor Honey Lacuna, si dating Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kasama ang buong tiket ng Yorme’ Choice noong Sabado.

Baluarte ni Mayor Honey Lacuna ang naturang distrito kung saan sinimulan ng alkalde ang paglulunsad ng kanilang pangangampanya noong Marso 28.

Sinuyod nila Moreno ang kaliit-liitang kalye at eskinita ng distrito upang mangampanya.

Sinabi ni Domagoso na tuluy-tuloy ang gagawin nilang pangangampanya at lalo pa silang magsusumigasig upang mapataas pa ang numero sa mga naglalabasang survey.

Hindi maiwasan ni Domagoso na sumagot sa mga tanong hinggil sa mga ipinupukol sa kanyang akusasyon ng pangungutang at pagbebenta ng ilang mga ari-arian ng lokal na pamahalaan.

Ayon kay Domagoso, kung naniniwala ang kanyang katunggali at mga dati niyang kasama na mali ang kanyang mga naging hakbang noong panahon ng pandemya, nangangahulugan na nagkamali rin sila dahil magkakasama sila nang balangkasin ang naturang hakbangin.

Pinasalamatan noon ni Domagoso ang kanyang mga dating kasama dahil sa tagumpay ng mga ginawa niyang hakbang sa panahon ng pandemya.