QCPD

Bangkay ng bagong silang na sanggol iniwan sa bus terminal

8 Views

SA tulong ng CCTV ay nakilala ng pulisya ang magkasintahan na nag-iwan umano ng patay na bagong silang na sanggol sa isang bus terminal sa Cubao, Quezon City, Miyerkules ng gabi.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU- QCPD), bandang 6:00 ng gabi (October 23), nang matagpuan ang sanggol sa labas ng banyo ng Baliwag Bus Terminal sa Montreal St., Brgy. E. Rodriguez, Cubao, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni P/MSg George A Caculba, nakita ng porter na si Isidro Tamta Papinit ang nakabalot na tela sa sahig, at nang suriin ay bumungad sa kaniya ang patay na sanggol kaya agad niya itong inireport sa mga awtoridad.

Sa pagsisiyasat, nakitang nakakonekta pa rin sa pusod ang saggol at kasama pa ang inunan nito nang matagpuan sa tabi ng isang water drum malapit sa banyo ng terminal.

Ni-review ng mga awtoridad ang CCTV footage mula sa terminal at nakitang lumabas ang isang lalaki at isang babae na may hawak na sanggol na nakabalot ng puting t-shirt at inilapag sa labas ng banyo ng terminal.

Nakunan din sa CCTV ang sinakyang bus ng magkasintahan patungong Gapan, Nueva Ecija.

Agad namang tinawagan ng liaison officer ng terminal na si Johnny Manfoste ang konduktor ng bus at nalaman na nakasakay pa rin doon ang magkasintahan.

Nang malaman naman ng driver ang insidente ay agad siyang nagtungo sa Penaranda police station at ipinaaresto ang magkasintahan.

Nakikipag-ugnayan na ngayon ang Quezon City police sa mga awtoridad ng Nueva Ecija para sa imbestigasyon.