Calendar
Source: FB file photo
Bank Secrecy Waiver para sa mga gov’t exec iginiit para iwas katiwalian
MULING inihain ni Senate President Francis “Chiz” G. Escudero ang isang panukalang batas na mag-oobliga sa lahat ng opisyal at empleyado ng pamahalaan—maliban sa mga nasa honoraryong posisyon—na isuko ang kanilang karapatan sa ilalim ng mga umiiral na batas ukol sa pagtatago ng kaduda dudang pera sa mga bank account.
Layunin ng panukala na bigyang kapangyarihan ang Office of the Ombudsman na masilip at masuri ang lahat ng deposito at pamumuhunan sa bangko ng mga kawani ng gobyerno, kabilang na ang mga account sa banyagang salapi gamit ang ibang currency.
Sinasaklaw ng panukala ang Republic Act No. 1405, o ang Law on the Secrecy of Bank Deposits, at Republic Act No. 6426, o ang Foreign Currency Deposit Act.
Kapag naisabatas ay mapipilitang lumagda ang mga opisyal ng gobyerno sa isang nakasulat na waiver na magbibigay ng pahintulot sa Ombudsman na siyasatin ang kanilang mga bank account.
Nauna nang naghain si Escudero ng katulad na mga panukala sa mga nakaraang Kongreso simula pa noong 2013.
Ipinaliwanag niya na ang orihinal na layunin ng mga batas ukol sa tinatagong deposito sa bangko ay upang hikayatin ang pag-iimpok at paunlarin ang ekonomiya, ngunit binigyang-diin niya na sa kasalukuyan, ang nasabing batas na ito ay humahadlang sa pag-access o pag iimbestiga sa impormasyong pinansyal sa mga pinaniniwalang sangkot sa katiwalian.
Binanggit sa paliwanag ng panukala kung paanong ang legal na pagtatago ng impormasyon ay maaaring gamiting kasangkapan upang ikubli ang mga ilegal na yaman, umiwas sa buwis, at isagawa ang mga krimeng pinansyal.
Iminumungkahi nito na ang pagiging bukas at karapatan para sa sinumang mga opisyal ng pamahalaan ay maaaring magpabuti sa katapatan sa pamamagitan ng transparency sa pamahalaan.
Ayon sa panukala, pantay ang saklaw nito sa lahat ng ranggo ng kawani ng pamahalaan at layuning palakasin ang mga mekanismo ng pananagutan at pagiging bukas sa pamahalaan.
Bahagi ang panukalang ito ng legislative package na inihain ni Escudero sa pagbubukas ng ika-20 Kongreso.

