Madrona

Madrona pinuri sa matapang vs Chinese smugglers

Mar Rodriguez Jul 3, 2025
335 Views

PINAPURIHAN ni Romblon Lone District Representative Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona si Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu-Laurel dahil sa kaniyang matapang na paninindigan laban sa mga Chinese smugglers.

Sinabi ni Madrona, Chairman ng House Committee on Tourism, na tama ang naging aksiyon ni Tiu-Laurel, kasunod ang kahilingan nito para sa pagpapalabas ng complete ban laban sa mga imported na produktong nanggagaling sa China.

Pagbibigay diin ni Madrona na mistulang ginagawang tambakan o “dumping site” ng China ng kanilang mga nabubulok na produktong laman dagat ang Pilipinas tulad ng isda kasama na dito ang mga nabubulok produktong agrikultura.

Para sa kongresista, ang ginagawa ng China ay lantaran umanong pambabastos sa Pilipinas sapagkat itunuturing nila ang mga Pilipino na taga-salo na lamang ng mga nabubulok nilang produkto habang ang importasyon ng nasabing produkto ang pumapatay sa kabuhayan ng mga maliliit na mangingisda at magsasaka.

Muling iginiit ni Madrona ang pagpapalabas ng DA ng “complete o total ban” laban sa mga imported na produktong buhat sa China dahil ang mga nabubulok na produkto nila ay makakasama sa kalusugan ng mga makakabili nito.

Ipinagpapalagay naman ng beteranong mambabatas na maaaring mayroong kasabwat ang China dito sa Pilipinas sapagkat dumagsa nakalusot na pumasok sa bansa ang kanilang mga produkto sa kabila ng ito ay unti-unti ng nabubulok.

Samantala, binigyang diin ni Madrona sa kaniyang mensahe sa ginanap na pagtitipon sa Romblon na tapos na ang halalan kung kaya’t kinakailangan na muli silang magtrabaho para pagsilbihan ang taumbayan na nagtiwala sa kanila.