Adiong

Banta kay PBBM, ex-Speaker Romualdez ‘di sakop ng freedom of speech–Adiong

Mar Rodriguez Jul 2, 2026
28 Views

BINIGYANG DIIN ni House prosecution panel spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na hindi maaaring kasangkapanin ni Vice President Sara Z. Duterte ang “freedom of speech” na kalasag para bigyang katwiran ang mga pagbabanta laban kina President Bongbong R. Marcos, Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Sinabi ni Adiong na magkaiba ang pagbabanta sa opinyon o ang kalayaang magpahayag ng saloobin.

“Alam mo, nagkakaisa ang legal community sa pagsasabing hindi ganap (absolute) ang kalayaan sa pagpapahayag. Mayroon itong mga partikular na limitasyon,” paliwanag ni Adiong.

Hindi maaaring ilagay ng depensa ang karaniwang opinyong pampolitika at ang umano’ing seryosong banta sa iisang legal at konstitusyonal na antas.

Ginamit ng Pangalawang Pangulo ang katwirang kalayaan sa pagpapahayag kaugnay ng artikulo ukol sa pagbabanta, na inaasahang magiging isa sa mga unang isyung ihaharap sa pagbubukas ng paglilitis ng Senate impeachment court sa Hulyo 6.

“Kaya hindi ko makita kung sakop pa ba ito ng kalayaan sa pagpapahayag dahil ang opinyon, bilang paraan ng pagpapahayag ng iyong saloobin na sakop ng kalayaan sa pagpapahayag, ay katanggap-tanggap naman talaga.

Pero kailan pa naging katanggap-tanggap ang seryosong banta?” tanong ni Adiong.

Iginigiit ng House prosecution panel na ang isyu ay hindi ang pagpuna sa pamahalaan kung ang pampublikong pahayag ba ni Duterte ay lumampas sa linya at naging isang seryosong banta.

“Dalawang magkaibang isyu ito. Hindi magkatulad, at hindi rin dapat tingnan—sa iisang antas,” punto ni Adiong.

Para sa kongresista, dapat tratuhin ng Senate impeachment court ang akusasyon base sa kung ano ang umano’y sinabi at sa konteksto kung paano binitawan ang pahayag.

“Ang seryosong banta ay seryosong banta. Hindi ito—pagpapahayag ng opinyon,” diin ni Adiong.