Barbers

Barbers: Di pa tapos ang laban

Mar Rodriguez Oct 11, 2024
62 Views

HINDI pa tapos ang laban!

Ito ang mensahe ng Lead Chairperson ng House Quad Committee na si Surigao del Norte 2nd Dist. Rep. Robert Ace S. Barbers matapos nitong tiyakin na hindi nila ititigil ang isinasagawa nilang imbestigasyon patungkol sa mga kontrobersiyal na isyu gaya ng Extra-Judicial Killings (EJK), madugong war-on-drugs campaign at illegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hangga’t hindi nakakamit ng mga naging biktima ang hustisya.

Sa kaniyang opening statement sa pagsisimula ng ika-walong pagdinig ng House Quad Committee. Pagdidiin ni Barbers na hindi natutulog ang hustisya kasabay ng kaniyang pangako sa mamamayang Pilipino na gagawin nila ang lahat at makakaya upang gampanan ang kanilang tungkulin bilang mga mambabatas.

“Ipaglalaban namin ang lahat ng ating mga karapatan. Karapatang mabuhay ng tahimik, walang takot, malaya ay mayroong dignidad,” sabi ni Barbers sa kaniyang opening statement sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Quad Committee.

Kasabay nito, tiniyak din ng kongresista na ang ginagawa nilang pagsisiyasat ay hindi naglalayong sirain ang pagkatao ng mga taong nasasangkot sa mga isyung iniimbestigahan nila kundi ang wakasan aniya ang pang-aabuso ng ilang opisyal ng gobyerno na umabuso sa kapangyarihan, gumawa ng pagmamalabis at pagsasamantala sa pamamagitan ng pagkunsinte sa mga dayuhan na walang habas na pinagnakawan ang kaban ng bayan kabilang na ang mga naganap na pagpatay.

“Sa lahat po ng aming ginagawa. Wala kaming gustong siraan at wakasan kundi ang pang-aabuso sa kapangyarihan, ang pagmamalabis, ang pangloloko at pagsasamantala ng mga dayuhan, pagnanakaw sa kaban ng bayan at pagpatay ng walang katwiran o pagsasa-alang alang sa kaparatang pantao o kapalit ng pangakong salapi, promosyon sa posisyon o pagbabalik sa serbisyo,” sabi pa ni Barbers.

Ayon pa sa kongresista, ang mga naging pangako at pabuya kapalit ng pagbibigay proteksiyon sa mga illegal activities ang sumira ng mga institusyon, paninindigan, paniniwala sa Diyos, relihiyon, pagpapahalaga sa buhay ng tao at sa mga pamilya. Kung saan, sa kabuuan nito ay pinatutunayan at pinagtitibay lamang nito na mali ang paniniwala ng mga sangkot sa karumal-dumal na krimen.

Pagdidiin ni Barbers na maituturing na isang matinding kanser ng lipunan ang mga nangyaring krimen sapagkat marami aniya ang mga nasangkot sa pagkamal ng limpak-limpak na salapi na kasalukuyang ginagamit ng mga taong ito upang takutin ang mga naging biktima ng mga naganap na krimen tulad ng EJK at war-againts-drugs campaign ng nakalipas na administrasyon.