Barbers

Barbers: Estratehiya ni Cebu Gov. Gwendolyn Garcia laban sa pagpasok ng illegal drug sa kanilang lalawigan tularan

Mar Rodriguez Feb 1, 2023
200 Views

HINIHIKAYAT ngayon ng isang Mindanao congressman ang lahat ng lokal na opisyal ng mga tinaguriang “Island –provinces” na tularan din nila ang estratehiyang ipinapatupad ni Cebu Gov. Gwendolyn Garcia upang masagkaan ang pagpasok ng illegal drugs sa kanilang lalawigan.

Sinabi ni Surigao del Norte 2nd Dist. Cong. Robert Ace Barbers, Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na maituturing na epektibo ang estratehiyang ipinapatupad ni Garcia para masawata ang pagpasok ng ipinagbabawal na gamot sa Cebu.

Dahil dito, iminumungkahi ni Barbers sa lahat ng local chief executives ng mga Island-provinces na kailangang maglagay na rin sila ng “anti-illegal drugs offices” sa lahat ng 22 major seaports sa kanilang lalawigan para masawata ang pagpupuslit ng mga illegal na droga.

Binigyang diin ni Barbers na kahanga-hanga ang ipinakitang inisyatiba ni Gov. Garcia sapagkat ang pagkakaroon ng anti-illegal drugs offices sa mga pantalan ang tuluyang didiskaril sa negosyo at modus ng mga malalaking drug syndicate na nagtutulak ng illegal na droga.

Ipinaliwanag pa ni Barbers na ang Pilipinas bilang isang “archipelago”. Marami aniyang puwedeng daanan at pasukan ng shabu at iba pang uri ng illegal na droga. Kung kaya’t, maituturing na magandang halimbawa ang naging estratehiya ni Garcia sa Cebu.

Sinabi naman ni Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, Chairman ng House Committee on Tourism, na ang paglaban o pagpuksa sa talamak na ilegal drug trade ay kinakailangang ng kooperasyon mula sa lokal na opisyal.

Ayon kay Madrona, ang kanilang lalawigan ay isa sa mga tinaguriang “island-provinces, kaya sinasang-ayunan nito ang panawagan ni Barbers na maglagay ng anti-illegal drug offices sa 22 major seaports o pantalan sapagkat maaaring makapasok din sa Romblon ang illegal na droga.

Nilinaw ni Madrona na ang kanilang lalawigan ay “drug-free” subalit iginiit parin nito na mahalaga parin na maging maingat at mapagmatyag. Kaya maglalagay din aniya sila ng anti-illegal drug offices sa Romblon para pigilan ang pagpasok ng shabu sa Romblon.

“Sang-ayon ako sa sinabi ni congressman Barbers. Kaya mabuti na rin ang nag-iingat at mapagbantay. Kasi ang illegal drugs ay talagang isang malaking problema kaya kailagan ang cooperation ng bawat local officials. Kung gusto natin laban ang illegal drug trade, kailangan ng pagkaka-isa dahil hindi lamang ito problema ng gobyerno kundi ng buong bansa,” ayon kay Madrona.