Barbers

Barbers sa TV hosts: Moderate your obscenity

161 Views

PINAYUHAN ni Surigao del Norte 2nd Dist. Congressman Robert “Ace” S. Barbers ang lahat ng TV hosts partikular na sina Vice-Ganda at real-life partner nito na si Ion Perez na maghinay-hinay o maging moderate sa ipinapakita nilang kahalayan (indecency) sa harap ng camera.

Sinabi ni Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na sana’y magsilbing leksiyon para sa iba pang TV Show host ang naging kapalaran nina Vice-Ganda at Ion Perez matapos silang patawan ng 12 araw na suspensiyon ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).

Binigyang diin ni Barbers na nais lamang ipakahulugan ng kaganapang ito ang kahalagahan na mapanatili ang “decency” sa harap ng camera. Sapagkat napakarami umanong menor-de-edad ang nanonood ng mga palabas sa telebisyon lalo na ang noontime show na “It’s Showtime”.

Dahil dito, ipinaliwanag ni Barbers na responsibilidad ng mga TV Show hosts na gaya nina Vice-Ganda at Ion Perez na magpakita ng decency sa kanilang palatuntunan dahil maaaring tularan ng mga manonood ang anomang magiging aksiyon nila sa harap ng camera lalo na kung nagpapamalas sila ng kahalayan.

Ayon sa kongresista, makatuwiran o justifiable lamang ang naging hakbang ng MTRCB laban sa dalawang TV hosts sa pamamagitan ng pagpapataw ng labing-dalawang araw na suspensiyon laban sa “It’s Showtime” bunsod ng kalaswaang ipinakita nina Vice-Ganda at Ion Perez.

Sinabi pa ni Barbers na bukod sa mga TV hosts, pananagutan din aniya ng mga TV network at show producers na tiyakin na ang content ng kanilang palabas ay tumutugon sa mga alintuntuning ipinapatupad ng MTRCB.

Ipinaliwanag ng Surigao del Norte congressman na hindi naman aniya ipinagbabawal ang pagpapatawa sa harap ng camera. Subalit kailangan tiyakin na ang kanilang pagpapatawa ay hindi nagpapakita kahalayan gaya ng ipinakita nina Vice-Gnada at Ion Perez sa kontrobersiyal na pagsubo nila ng icing cake.

Nauna rito, pinapurihan ni Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano ang ipinataw na 12 araw na suspension ng MTRCB laban sa noontime show.