Barbers2

Barbers sinang-ayunan na di layunin ng impeachment trial na sirain political plan ni VP Sara

Mar Rodriguez Jul 13, 2026
28 Views

SINANG-AYUNAN ni House prosecution team spokesperson at dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace S. Barbers ang pahayag na hindi layunin ng Senate impeachment trial na sirain at idiskaril ang political plan ni Vice President Sara Z. Duterte.

Naunang sinabi ni House prosecution panel spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na ang pangunahing layunin ng nasabing paglilitis ay ang pagpapanagot sa pagkakasala, hindi saktan o kaya’y sirain ang imahe ni Duterte.

Dahil dito, pinabulaanan ni Barbers ang paglalarawan sa impeachment trial ng Bise Presidente bilang isang “political bloodbath” kasunod ang pagigiit nito ang totoong layunin ng paglilitis ay ang mapanagot si Duterte sa pamamagitan ng mga ebidensiya.

Ayon kay Barbers, dapat magsilbing paraan ang proseso upang mas maunawaan ng publiko ang impeachment bilang isang mekanismo ng pananagutan.

“Ito ang very important na dapat naiintindihan ng ating mga kababayan,” ani Barbers.

Sabi pa ni Barbers na tungkulin ng prosekusyon na ipaliwanag ang mga ebidensya at ang kahalagahan ng mga ito, sa halip na ilarawan ang paglilitis bilang personal na paghihiganti.

Direktang sinagot naman ni Adiong ang mga pahayag na tila layunin umano ng paglilitis na sirain o saktan sa politika ang Bise Presidente.

“Never po na intention ng prosecution na magkaroon ng sakitan. Ang intention po talaga ng prosecution ay pananagutan,” ani Alonto Adiong.

Ayon naman kay Adiong, ang kaso ng prosekusyon ay dapat suriin batay sa Articles of Impeachment, sa mga ebidensyang iniharap sa Senado at sa mga sagot ng depensa. Hindi aniya gagamit ang prosekusyon ng mararahas na paglalarawan para sa isang proseso na pinamamahalaan ng Konstitusyon, pagdinig sa mga testigo at pagpapasya ng mga senator-judges.

Kinuwestiyon din ni Adiong ang paulit-ulit na paggamit ng mga salitang may kaugnayan sa dugo at karahasan sa usapin ng impeachment trial.

“Hindi po namin alam kung saan nanggagaling itong dugo na parati po nilang ginagamit sa kanilang mga statement,” ani Adiong.

Ang pahayag ay kasunod ng mga komentong nagsasabing magiging mabigat at mapanakit ang magiging takbo ng paglilitis para sa Bise Presidente. Ayon sa prosekusyon, hindi dapat matabunan ng mga politikal na pahayag ang pangunahing isyu sa impeachment court.

Sinabi naman ni Adiong na ang tunay na tanong ay kung mapatutunayan ng mga ebidensya ang alinman sa mga batayan ng impeachment at kung nananatiling karapat-dapat si Duterte na manatili sa kanyang posisyon.

Nakasaad sa 1987 Konstitusyon na ang panunungkulan sa gobyerno ay isang pampublikong tiwala (public trust). Pinahihintulutan nito ang pagpapatalsik sa Bise Presidente sa pamamagitan ng impeachment at hatol ng Senado batay sa mga itinakdang dahilan, kabilang ang betrayal of public trust (pagtataksil sa tiwala ng publiko). Ang Senado lamang ang may kapangyarihang litisin at magpasya sa impeachment case, kung saan ang mga senador ay kumikilos bilang mga hukom sa ilalim ng panunumpa.