QCPD Source: QCPD

Baril na ginamit sa Mollenido murder case nakita na

196 Views

NA-recover na sa Quezon City ang baril na ginamit sa pagpatay sa babaeng pulis na si Police Senior Master Sergeant Diane Marie Mollenido ng mga miyembro ng Special Investigation Task Group Mollenido noong Biyernes.

Sinabi ni National Capital Region Police Office director Major General Anthony Aberin na nakuha ang cal .45 pistol at 3 magazine ng cal. .45 sa Block 2, Lot 18, Tawad Sapa 2, Phase 1, Brgy. Kaligayahan, Novaliches, Quezon City pasado alas-7:00 ng gabi.

Nakuha din sa lugar ang isang magazine ng baril, 55 rounds ng cal .45 bullets at plate numbers NCN 9729 na ngayo’y itinatanong na sa Land Transportation Office kung anong sasakyan ang pinaglalagyan.

Sumama ang hepe ng Quezon City police na si Brigadier Gen. Randy Glenn G. Silvio sa pagpunta sa bahay kung saan nakuha ang mga baril.

Pag-aari ng ina ng principal suspect sa pagpatay na si Christian Panganiban ang bahay.

Bago makuha ang baril, ipinahayag na ni Department of the Interior and Local Government Secretary Juanito Victor C. Remulla Jr. na lutas na ang pagpatay kay Mollenido at sa 8-anyos na anak nito.

“We consider this case as closed. This is a slam dunk case, it’s just for the appreciation of the Department of Justice pero sa mata ko lang me certainty of conviction here,” sabi ng DILG chief.

Naaresto na ang limang suspek sa pagpatay at na na-inquest na para sa kasong two counts of robbery with homicide at theft sa Quezon City Prosecutor’s Office, ayon kay Maj. Gen. Aberin.

Kinilala ang lima na sina Pia Katrina Panganiban, 29; Christian Panganiban; ang 41-anyos na si Gil Valdemoro Dy; kapatid ni Pia na si Maribel; at Police Senior MSgt. John Mollenido, ang pinatay na hiwalay na asawa ng pinatay na pulis.

Ayon sa report, binaril ng asawa ni Pia ang babaeng pulis. Nasibak sa pagkapulis si Panganiban dahil sa kidnapping at serious illegal detention.

Pinatay naman ang 8-anyos na bata sa pamamagitan ng pagbalot sa ulo ng plastic bag. May kasamang ulat ni Alfred Dalizon