OTS Source: Office for Transportation Security.

Baril nasabat sa NAIA mula pasahero papuntang Bacolod

Jun I Legaspi May 29, 2024
121 Views

NASABAT ng mga tauhan ng Office of Transportation Security ang isang baril na pag-aari ng isang pasahero sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1.

Ang pasahero na naharang nina Security Screening Officers (SSOs) Edna Esmero at Alden Perillo ay patungong Bacolod sa pamamagitan ng Philippine Airlines Flight Number PR 2135.

Si SSO Esmero ang x-ray operator nang dumaan ang isang bag na naglalaman ng tila armas.

Dahil dito, tinawag niya ang atensyon ni SSO Perillo at nagsagawa ng manual baggage inspection kaya nakita ang baril.

Inendorso naman kay Shift-In-Charge (SIC) Harold Dumaya ang ipinagbabawal na armas at saka itinurnover sa Philippine National Police Aviation Security Group para sa proper disposition.

Pinayagan din ang pasahero na sumakay sa eroplano makaraang isuko na lamang ang armas.

Muli namang nagpaalala si OTS Officer-In-Charge Assistant Secretary Jose A. Briones Jr. sa mga pasahero na daraan sa masusing pagsusuri ang kanilang mga bagahe na iwasan na ang pagdadala ng mga ipinagbabawal na gamit upang maiwasang mabalam ang kanilang biyahe.

“Para po hindi tayo madelay o maabala sa ating pag biyahe, mas makabubuti na i-check po natin ang OTS website o Facebook page para maiwasan ang pagdadala ng mga prohibited items, lalo na yung mga may semblance sa totoong baril dahil maaari pa din itong makapag dulot ng takot o pangangamba sa ibang mga pasahero,” diin ni Briones.