PCG

Barko tumagilid, 93 pasahero nailigtas

174 Views

ISANG roll-on roll-off/passenger vessel ang tumagilid at sumadsad matapos na hindi magbalanse ang mga dala nito sa Romblon.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) nailigtas ang lahat ng 93 pasahero at 36 crew ng MV Maria Helena na pagmamay-ari ng Montenegro Shipping.

Batay sa ulat ng PCG, alas-2:12 ng umaga noong Linggo, Hulyo 16, ng makatanggap ito ng tawag mula sa supervisor ng Montenegro Shipping kaugnay ng pagtagilid ng barko dahilan upang pasukin ito ng tubig at pagsadsad.

Sinabi ng Kapitan ng barko na si Elmo Sumocol na sumabog ang gulong ng isa sa mga sasakyang dala nito dahilan upang lumipat ang mga sasakyan sa isang bahagi lamang ng barko.

Ayon kay Sumocol ang barko ay mayroong 21,000 litro ng marine diesel oil (MDO).

Naka-antabay ang Marine Environmental Protection Group ng PCG sa Romblon upang agapan ang oil spill. Ni ZAIDA DELOS REYES