Mpox Source: PIA

BARMM nagtala ng 8 kumpirmadong kaso ng Mpox

31 Views

COTABATO CITY – Tatlong bagong kaso ng mpox, na dating kilala bilang monkeypox, ang naitala sa Cotabato City, dahilan para umabot na sa walo ang kumpirmadong kaso ng sakit sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), ayon sa mga opisyal ng kalusugan nitong Martes.

Ayon kay Dr. Harris Ali, city health officer, kabilang sa mga bagong kaso ang isang 28-anyos na babae na kasalukuyang sumasailalim sa gamutan, isang 72-anyos na lalaki, at isang 4-taong-gulang na batang lalaki. Lahat sila ay kasalukuyang naka-home isolation.

Dagdag pa ni Ali, mayroong 14 na pinaghihinalaang kaso ng mpox na patuloy na mino-monitor sa lungsod.

“Hinihikayat ko ang publiko na agad magtungo sa mga health center o pinakamalapit na ospital sakaling makaranas ng mga sintomas ng mpox tulad ng lagnat, ubo, pananakit ng katawan, sakit ng ulo, at iba pa,” pahayag ni Ali sa isang panayam sa radyo.

Sa kabuuan ng rehiyon, iniulat ni Dr. Kadil Sinolinding, ministro ng kalusugan ng BARMM, na mayroong walong kumpirmadong kaso ng mpox, walong probable cases at 23 suspected cases sa rehiyon na naitala hanggang Hunyo 2.

Binigyang-diin ni Sinolinding na bagama’t nakakahawa ang mpox, ito ay maiiwasan sa pamamagitan ng tamang kalinisan at pag-iingat.

Ayon pa sa kanya, mahalagang takpan ang bibig kapag umuubo o bumabahing, tiyakin ang maayos na bentilasyon sa mga saradong lugar, regular na maghugas ng kamay o gumamit ng hand sanitizer, at iwasang lumapit sa mga taong nagpapakita ng sintomas ng mpox.

“Patuloy ang ginagawang surveillance ng Ministry of Health at pagbibigay ng nararapat na suporta at gamutan batay sa pamantayang medikal para sa mga na-expose at nahawa,” dagdag niya sa hiwalay na panayam. Philippine News Agency