Barzaga

Barzaga, Jr. nagpa-abot ng marubdob na pagbati kay Speaker Romuldez dahil sa mataas na satisfactory rating     

Mar Rodriguez Apr 13, 2023
215 Views

NAGPAABOT nang marubdob na pagbati ang isang Southern Tagalog congressman kay House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez bunsod ng natamo nitong mataas na satisfaction rating sa ilalim ng 19th Congress batay sa pinakahuling survey na isinagawa naman ng Pulse Asia.

Sinabi ni Cavite 4th Dist. Congressman Elpidio “Pidi” F. Barzaga, Jr. na ang kasalukuyang liderato ni Speaker Romualdez na nagpapakita ng tinatawag na “leadership by example” ang naging pangunahing dahilan kung bakit nakakuha ito ng mataas na satisfactory rating mula sa Pulse Asia.

Binigyang diin ni Barzaga na unti-unti na aniyang inaani ni Speaker Romualdez ang bunga ng kaniyang pagpupunyagi at pagsisikap upang pabanguhin ang imahe ng Kamara de Representantes sa publiko. Kabilang dito ang pagpasa ng mga makabuluhang panukalang batas.

“This is another positive news for the House of Representatives under the result oriented leadership of Speaker Romualdez, it means that the work we do in the House is resonating with the people,” ayon kay Barzaga.

Ipinaliwanag din ng kongresista na mismong ang mamamayan na ang nakakakita o saksi kung gaano kasigasig ngayon ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ilalim ng liderato ni Speaker Romualdez para magpasa ng mga panukala na magiging kapaki-pakinabang sa mga Pilipino.

Batay sa pinakahuling Pulse Asia Survey, ipinapakita dito na kapwa nakakuha sina Senate President Juan Miguel “Migs” Zubiri at House Speaker Martin G. Romualdez ng 51% approval rating habang si Supreme Court (SC) Chief Justice Alexander Gesmundo ay nakakuha naman ng 43%.

Ayon kay Barzaga, ang survey ng Pulse Asia ay isinagawa noong March 15 hanggang 19. Kung saan, 12% lamang ang nagbigay ng disapproval kay Speaker Romualdez para sa kaniyang performance, 10% naman kay Senate President Zubiri at 15% ang kay Chief Justice Gesmundo.