Gatchalian

Basbas ng RDC kailangan sa mga infra projects–Sen. Win

271 Views

IPINAPAKITA ng pananalasa ng bagyong Basyang sa Visayas at Mindanao ang pangangailangan sa mga infrastructure projects, kabilang ang flood-control projects, na dumaan sa pag-apruba ng mga Regional Development Councils (RDCs), ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian.

“Dapat tayong magsagawa ng mga proyektong imprastraktura na masusing sinuri ng mga RDC upang matiyak na ang mga ito ay ipatutupad kung saan talaga kinakailangan at kayang tumayo sa matitinding kondisyon ng panahon,” ani Gatchalian sa kanyang pagbisita sa Iligan City.

“Dahil mas lumalakas ang mga bagyong tumatama sa bansa, kailangan nating tiyakin na maayos at matibay ang mga imprastrakturang itinatayo upang higit na maprotektahan ang ating mga kababayan,” dagdag niya.

Sinabi ni Sen. Gatchalian na hindi dapat ipatupad ang mga proyektong imprastraktura batay lamang sa kagustuhan ng mga pulitiko kungdi dapat may malinaw na pag-eendorso ng mga kinauukulang RDCs.

Binanggit din niya na may mga proyektong walang basbas ng RDC na nagkaroon ng problema sa implementasyon.

Umabot sa 12 ang nasawi at 467,000 indibidwal ang naapektuhan sa 850 barangay sa Visayas at Mindanao ng hagupit ng bagyong Basyang.